Bagsak sa kulungan ang lima katao na nagpanggap na mga alagad ng batas matapos silang maaresto sa akto ng pagnanakaw at illegal detention sa isang pamilya sa Barangay Concepcion Dos, Marikina City, nitong madaling-araw ng Lunes, Hulyo 13, 2026.
Sa ulat na natanggap ng Eastern Police District (EPD) mula sa Marikina City Police Station, kinilala ang mga nadakip na suspek na sina alyas “Ahorn,” 27; alyas “Don-Don,” 52; alyas “Oryong,” 21; at alyas “Ric,” 42, na pawang mga residente ng Nueva Ecija at Isabela; kasama ang isang alyas “Beshir,” 43.
Samantala, pinaghahanap naman ngayon sa ikinakasang manhunt operation ang nakatakas na suspek na si alyas “Lloyd” at tatlo pang kasamahan nito.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, naganap ang insidente bandang alas-12:30 ng madaling-araw habang nagpapahinga ang mga biktima sa loob ng kanilang tahanan.
Bigla umanong sumalakay ang mga suspek bitbit ang tatlong pekeng warrant of arrest at nagpakilalang mga pulis na nagsasagawa ng lehitimong operasyon.
Nang makapasok sa bahay, agad na pinagpuputol ng mga suspek ang linya ng Wi-Fi at sinira ang mga CCTV camera upang burahin ang anumang ebidensya. Tinakot at tinutukan ng baril ang mga biktima, bago sila tinalian sa kamay gamit ang plastic cable ties at duct tape.
BASAHIN: 4 arestado matapos mahulihan ng baril at droga sa Caloocan
Matapos igapos ang mga residente, hinalughog ng mga suspek ang buong bahay at nilimas ang mga mamahaling gadgets, mamahaling relo, cash, at mga alahas.
Sa kabila ng takot, naging matalino at alerto ang isa sa mga biktima. Habang abala ang mga suspek sa pagsira ng mga CCTV, palihim itong gumamit ng cellphone upang humingi ng tulong sa pulisya.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Police Sub-Station 8 ng Marikina City Police Station. Dahil sa mabilis na taktikal na pagkilos ng mga pulis, nakorner ang mga suspek sa loob mismo ng bakuran at mabilis na naaresto nang hindi na nakapalag.
Narekober ng mga awtoridad mula sa direktang posisyon ng mga suspek ang mga ebidensyang kinabibilangan ng isang yunit ng iPad Pro, isang Victorinox na wristwatch, isang 9mm na baril na may dalawang magazine at 19 na bala, apat na yunit ng improvised na baril o sumpak, isang black sling bag, wire cutter, mga cable tie, duct tape, limang bonnet o balaclava masks, limang Android cellphone, at ang tatlong kopya ng pekeng warrant of arrest.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong Robbery with Violence Against or Intimidation of Persons; Usurpation of Authority; Violation of Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), Slight Illegal Detention; at Falsification of Public Documents.
Mariing kinondena ni Police Brigadier General Melecio M. Buslig, Jr., Acting District Director ng EPD, ang ginawa ng mga suspek at nagbabala na hindi nila papayagang bastusin ang imahe ng Pambansang Pulisya.
“Hindi lamang sila nagnakaw; ginamit pa nila ang pagkakakilanlan ng Philippine National Police (PNP) para pasukin ang isang pribadong tahanan at takutin ang mga inosenteng mamamayan. Hindi natin papayagan ang mga kriminal na magtago sa likod ng huwad na lente ng batas,” anang Heneral.
Pinuri din ng EPD ang katapangan ng biktima at ang mabilis na aksyon ng Marikina Police na nagsalba sa pamilya mula sa mas malubha pang trahedya.
