Screengrab: Rosanie M. Galero/Facebook
Humihingi ngayon ng hustisya at malalimang imbestigasyon ang mga magulang ng isang Grade 4 learner mula sa Hugo Perez Elementary School-Annex sa Trece Martires City, Cavite, matapos itong pumanaw kasunod ng deworming activity sa kanilang paaralan.
Batay sa ina ng bata na si Rutchie Galero, maagang umuwi ang kanyang anak na si Rex noong Hulyo 2 sapagkat sobrang sama ng pakiramdam at nagsusuka matapos umanong painumin ng guro ng gamot pampapurga pagkatapos ng recess.
Dinala si Rex sa isang klinika kinabukasan, ngunit dahil sa mabilis na paglala ng kanyang kondisyon ay inilipat siya sa ospital kung saan siya tuluyang nalagutan ng hininga.
BASAHIN: ‘Hindi ko po alam!’ Driver sa R-10 hit-and-run kung saan tsugi ang lady rider, iniharap ni Isko!
Labis ang pagdadalamhati ng kanyang ama na si Leo Mission, na nagsabing napakasakit ng nangyari dahil hindi nila alam na papainumin ng gamot ang bata, na aniya ay napakalusog bago ang insidente.
Batay sa death certificate ng bata, ang pangunahing sanhi ng kanyang pagkamatay ay septic shock dulot ng central nervous system infection, subalit naniniwala ang mga magulang na posibleng nasobrahan sa dosis ng gamot ang kanilang anak.
Dahil dito, ipinagpaliban ng pamilya ang nakatakda sanang libing noong nakaraang Sabado upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng autopsy.
Plano rin nilang lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) upang pormal na maghain ng reklamo laban sa mga mapatutunayang responsable sa trahedya, sa kabila ng ulat na sinubukan na ng alkalde ng lungsod na mamagitan sa pamilya at sa guro ng bata.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang guro at ang principal ng paaralan hinggil sa isyu.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya ng mag-aaral at sa buong komunidad ng paaralan.
Kinumpirma ng DepEd na nagsagawa nga ng routine deworming activity noong Hulyo 2 sa pakikipagtulungan ng Trece Martires City Health Office, kung saan ilan pang mga mag-aaral ang nakaranas din ng sama ng pakiramdam.
Tiniyak ng kagawaran na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa mga health authorities habang gumugulong ang imbestigasyon, kasabay ng pagsusuri sa kanilang mga health and safety protocol at panawagan sa publiko na magtiwala lamang sa mga beripikadong impormasyon. (KARLO GARCIA)
