Masayang pinagsasaluhan ng mga mag-aaral ang kanilang masustansyang gatas at pagkain sa ilalim ng pinalakas na School-Based Feeding Program ng DepEd at DA. (Photo: DepEd)
Mas marami pang mag-aaral sa mga pampublikong mababang paaralan na kulang sa nutrisyon ang makikinabang sa mas ligtas at mas maaasahang supply ng gatas.
Ito ay matapos ilunsad ng Department of Education (DepEd) at Department of Agriculture (DA) ang mga bagong alituntunin upang patatagin ang School-Based Feeding Program (SBFP) ng pamahalaan para sa School Year 2026-2027.
Nilagdaan nina Education Secretary Sonny Angara at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkules ang isang Joint Administrative Order na naglalayong tiyaking dumarating sa mga paaralan ang gatas nang on-time, ligtas, at maayos na nababantayan mula sa pagbili hanggang sa pag-deliver.

Ayon kay Secretary Angara, ang pinalakas na guidelines na ito ay binuo upang maging pare-pareho ang kalidad ng nutrisyon na natatanggap ng mga bata sa kahit saang sulok ng Pilipinas, habang binibigyan din ng malaking suporta ang mga lokal na magsasaka.
BASAHIN: Seguridad ng jobseekers at trainees, pinalakas sa TESDA Skills Passport
“Ang gusto natin ay pare-pareho ang kalidad ng programa saan mang panig ng bansa. Dapat siguradong ligtas ang gatas, maayos ang delivery, at mabilis maresolba ang anumang problema para hindi naaantala ang feeding ng ating mga mag-aaral,” ani Angara.
Sa ilalim ng bagong kautusan, ang DepEd, DA, National Dairy Authority (NDA), at Philippine Carabao Center (PCC) ay susunod na sa iisang unified system sa pagpaplano, procurement, delivery, at monitoring.
Sinasagot nito ang dating problema kung saan nagkakaiba-iba ang sistema at nagkakaroon ng kalituhan o pagkaantala sa iba’t ibang rehiyon.
Malaking bahagi rin ng bagong patakaran ang pagbili ng gatas mula sa mga lokal na dairy farmers at kooperatiba.
Sa pamamagitan nito, hindi lang kalusugan ng mga kabataan ang mapapabuti kundi masisiguro pa ang kita ng mga Filipino dairy farmers.
Para sa taong 2026, naglaan ang national government ng P1.848 bilyon para sa Milk Feeding Component sa ilalim ng NDA.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na nutrition program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ilalim ng Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act. (ARNOLD PAJARON JR)
