Nanindigan si Senador Francis “Chiz” Escudero, na pormal na nahalal nitong Lunes bilang presiding officer ng Senate Impeachment Court, na eksaktong 16 na pabor na boto mula sa mga senator-judges ang kinakailangan upang masentensiyahang guilty si Vice President Sara Duterte sa paglilitis nito.
Sa kanyang pambungad na pananalita matapos tanggapin ang posisyon, iginiit ni Escudero na malinaw ang isinasaad ng Konstitusyon na walang sinuman ang maaaring masentensiyahan nang walang pagsang-ayon ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.
“Dahil may 24 na miyembro ang Senado, ang literal na interpretasyon nito ay nangangailangan ng pabor na boto ng hindi bababa sa 16 na senator-judges upang makapag-convict,” paliwanag ni Escudero.
Ginawa ng opisyal ang paglilinaw ilang oras matapos arestuhin si Senador Rodante Marcoleta dahil sa kasong plunder.
Bago ito, naaresto at sinuspinde na rin ng 90 araw si Sen. Jinggoy Estrada para sa kaparehong kaso, habang pinaniniwalaang nagtatago naman si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Upang patunayan ang kanyang punto, binanggit ni Escudero ang desisyon ng Korte Suprema noong taong 2000 sa kasong Bayan v. Zamora, kung saan kinuwestiyon ang kinakailangang two-thirds vote para maaprubahan ang isang kasunduan (treaty).
Pinaalalahanan niya ang kapulungan na noong panahong iyon, kahit 23 na lamang ang nakaupong senador (dahil nahalal bilang bise presidente si noo’y Senadora Gloria Macapagal-Arroyo), nanindigan ang Korte Suprema na 16 na boto pa rin ang kailangan.
“Ayon sa Korte: Itinatakda ng batas na ang Senado ay bubuuin ng 24 na senador; walang kaduda-duda na ang dalawang-katlo ng bilang na ito o hindi bababa sa 16 na miyembro ay tiyak na pagsunod sa itinakdang bilang ng boto sa Section 21 ng Article 7,” pag-alala ni Escudero.
BASAHIN: Marcoleta magiging kakosa ni Estrada, Revilla (Inaresto sa P75-million plunder case)
Dahil dito, hinimok niya ang mga kapwa mambabatas na maging matapat sa Konstitusyon, lalo na’t nakasalalay sa paglilitis ang mga karapatan ni Duterte at ang mandato ng taumbayan na nagluklok sa kanya sa pwesto.
“Ito ang umiiral na batas ngayon. At sumang-ayon man tayo o hindi, kailangan natin itong sundin,” giit pa niya.
Pormal na inihalal si Escudero nitong Lunes ng hapon upang pamunuan ang impeachment trial ni Duterte. Nilinaw naman niya na hindi niya hiningi o niligawan ang nasabing posisyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na humawak si Escudero ng ganitong tungkulin. Taong 2025 nang pangunahan din niya ang isang impeachment court bilang Senate President, bagamat nakatanggap siya noon ng batikos matapos punahin ng ilan ang itinakdang oras ng paglilitis na tila hindi umano sumunod sa diwa ng salitang “forthwith” o mabilisan.
Sa huli, nag-iwan ng paalala ang mambabatas sa kanyang mga kasamahang senator-judges na pairalin ang pagiging patas at walang kinikilingang hustisya.
“Bilang presiding officer, gagawin ko ang aking tungkulin upang itaguyod ang pagiging patas at integridad ng prosesong ito, at sisiguraduhin kong matatapos ito nang tama,” pagtatapos ni Escudero.
