PATAY ang isang 42-anyos na sampaguita vendor matapos pagtulungang pukpukin ng bote sa ulo at pagsasaksakin ng kanyang mga nakainuman kagabi, Hulyo 5, sa Sitio Gumamela 2, Phase 5, Barangay Sta. Cruz, Antipolo City.
Kinilala ng Antipolo Component City Police Station (CCPS) ang biktima na si alyas “Roel,” residente ng naturang lugar at katutubo ng Masbate.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nag-iinuman ang biktima at ang dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek dakong alas-11:25 ng gabi nang biglang sumiklab ang isang matinding pagtatalo sa pagitan nila.
BASAHIN: Misis at kabit, huli sa akto ni mister sa Freedom Park sa San Mateo, Rizal
Sa gitna ng away, bigla umanong pinalo ng bote sa ulo ng isa sa mga suspek ang biktima, dahilan para ito’y matumba.
Hindi pa nakuntento ang isa pa sa mga suspek— na inilarawang nakasuot ng kulay violet na t-shirt at maong shorts—at paulit-ulit na sinaksak si alyas Roel sa iba’t ibang bahagi ng katawan gamit ang isang matalim na patalim.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang dalawang suspek na kapwa naglakad lamang patungo sa hindi pa malamang direksyon.
Agad namang isinugod ang biktima sa pinakamalapit na ospital upang lapatan sana ng lunas.
Gayunpaman, idineklara siyang Dead on Arrival (DOA) dakong alas-11:55 ng gabi ng attending physician na si Dr. Erika De Vera. Isinailalim sa autopsy ang labi ng biktima.
Kasalukuyan nang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga operatiba upang matukoy ang pagkakakilanlan at madakip ang mga tumakas na suspek.
