INARESTO ngayong Lunes, Hulyo 6, si Sen. Rodante Marcoleta matapos magpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng kasong plunder na walang kaukulang piyansa, dahil sa hindi umano pagdedeklara ng P75 milyong donasyon sa kanyang kampanya.
Bukod kay Marcoleta, ipinag-utos din ng korte ang pag-aresto kay dating Rep. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Aristotle Viray at Joseph Espiritu.
Pero ayon sa abogado ni Marcoleta, kusang sumuko ang senador bilang “act of good faith” dahil nasa mismong tanggapan na ito ng Sandiganbayan nang ilabas ang kautusan.
“Pagpunta ko rito, inaasahan ko na lahat, mga proseso na gagawin. Kagaya ng sinabi ko sa inyo, ako ay hindi magtatago. Haharapin ko ang batas, ang asunto, sang-ayon sa pagkakaintindi ko sa mga batas natin,” pahayag ni Marcoleta sa mga mamamahayag.
BASAHIN: PBBM, may pananagutan sa multibillion-peso ‘floodgate’ controversy – Diokno
“Kailangan kong dumaan ng proseso. Kasama na po ‘yung pagpunta ko rito, ‘yung hangarin ko na kung i-serve po nila ‘yung warrant of arrest, tatanggapin ko.”
Kinumpirma ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pag-aresto at sinamahan ang senador sa loob ng courtroom para sa return of warrant.
Dakong alas-10:30 ng umaga nang dumating din sa Sandiganbayan sina Interior Secretary Jonvic Remulla at Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Bago ang pag-aresto, ibinasura ng korte ang mga mosyon nina Marcoleta, Defensor, at Espiritu na suspindihin ang pagdinig at ipagpaliban ang pagpapalabas ng warrant.
Ayon kay Associate Justice Karl Miranda, itinatwa ang mga mosyon matapos makitaan ng korte ng probable cause o sapat na batayan ang kasong plunder.
Ipinag-utos ng Sandiganbayan na ikulong ang mga akusado sa Quezon City Jail sa Payatas, kung saan kasalukuyan ding nakadetine sina Senador Jinggoy Estrada at dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. Binigyan naman ng korte ang prosekusyon ng tatlong araw upang maghain ng komento sa mosyon ng mga akusado na ibasura ang mismong kaso (motion to quash).
Nagmula ang asunto sa mga alegasyon na tinanggap ni Marcoleta, noong siya ay kongresista pa, ang kabuuang =P75 milyong donasyon mula kay Defensor at mga kasamang negosyante ngunit hindi ito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Sa ilalim ng Anti-Plunder Act, maaaring makasuhan ang isang opisyal kung mapatunayang nagkamal ito ng hindi bababa sa P50 milyong nakaw na yaman.
Samantala, naglabas naman ng pahayag si Defensor sa pamamagitan ng isang video message. “Nauna pa kaming makulong kaysa sa mga totoong nagnakaw sa kaban ng bayan. Makukulong n’yo kami at mapapatahimik pero hindi po kami susuko,” ani Defensor.
Naganap ang pag-aresto kay Marcoleta ilang oras bago ang nakatakdang impeachment trial sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte, na na-impeach ng Kamara noong Mayo 11 dahil sa mga hinalang graft, korapsyon, panunuhol, at planong pagpatay laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Noong nakaraang linggo, libu-libong miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang nagdaos ng kilos-protesta sa mga lansangan upang kondenahin ang mga rampa laban kay Marcoleta, na nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Binatikos ni INC Spokesman Edwil Zabala ang kaso at tinawag itong isang “selective justice.”
Si Marcoleta ang ikalawang senador na nakulong sa loob ng mahigit isang buwan, kasunod ni Sen. Jinggoy Estrada na naunang na-detine dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects.
Samantala, kasalukuyan namang nagtatago si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, isang kilalang alyado ng mga Duterte, matapos makatakas sa warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC) ukol sa madugong drug war.
Naging paksa ngayon ng debate kung may epekto ang pagkawala ng mga naturang senador sa hatol ng impeachment trial. Bagamat nakasaad sa Saligang Batas na kailangan ang boto ng “two-thirds ng lahat ng miyembro” ng 24-seat na Senado upang makahatol ng guilty, ipinaglaban ni Impeachment Prosecutor at Rep. Gerville “Jinky” Luistro na ang bibilangin lamang dapat ay ang mga senador na makakalahok sa pagdinig.
“Kung ang isang senador ay nasa kulungan, nagtatago, nasa ospital o nasa ibang bansa… paano natin sila isasama para sa layunin ng pagtukoy… sa kinakailangang bilang ng boto?” giit ni Luistro sa isang press conference noong nakaraang buwan.
Kung mapatunayang guilty sa Senado, tuluyan nang mapapatalsik sa puwesto si Vice President Duterte at permanenteng bawal nang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno. (BOYET BARBA JR)
