Inaresto na rin ngayong Lunes, Hulyo 6, sina dating Anakalusugan Party-list Representative Michael “Mike” Defensor at ang negosyanteng si Joseph Varias Espiritu, na mga kapwa akusado ni Senator Rodante Marcoleta sa kasong P75-million plunder.
Mismong si Interior Secretary Jonvic Remulla ang nag-anunsyo ng pagkakadakip sa dalawa sa isang press conference.
Ayon kay Remulla, natunton ang mga akusado sa loob ng isang sikat na coffee shop sa Quezon City.
“Nag-uusap sila sa Starbucks sa QC. Inaresto sila at dinadala na sa Sandigan para sa return of warrant,” pahayag ng kalihim ng DILG.
Idinagdag ni Remulla na matapos ang proseso sa korte at ang booking process sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), tuluyan ding ipag-uutos ang paglipat kina Defensor at Espiritu sa Quezon City Jail sa Payatas.
Bago ang pagkaaresto sa dalawa, nagpalabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Third Division laban kina Marcoleta, Defensor, Espiritu, at isa pang negosyante na si Aristotle Baluyut Viray.
BASAHIN: Marcoleta magiging kakosa ni Estrada, Revilla (Inaresto sa P75-million plunder case)
Nag-ugat ang kaso sa mga hindi idineklarang donasyon sa kampanya na tinanggap umano ng mambabatas para sa kanyang senatorial bid noong 2025.
Si Marcoleta, na naunang sumuko sa Sandiganbayan matapos dumalo sa pagdinig, ay dinala naman sa Camp Crame para sa kaukulang dokumentasyon.
Bago pa man tuluyang madala sa piitan, naglabas na ng video message sa social media si Defensor upang tuligsain ang kanilang pagkakakulong habang malaya pa rin umano ang mga sangkot sa kontrobersyal na flood control project.
“Nauna pa kaming makulong sa mga kasong walang basehan. Sa pagpapakulong sa amin, hindi na kami makakapagsalita tungkol sa korapsyon. Gusto lang namin lumabas ang katotohanan… [na may] transparency, accountability, at hustisya,” giit ni Defensor.
“Makukulong n’yo kami at mapapatahimik pero hindi po kami susuko,” dagdag pa ng dating mambabatas.
