Rehas na bakal ang bagsak ng isang misis at kalaguyo nito matapos mahuli sa akto ng mismong legal na asawa ang dalawa na may ginagawang kababalaghan sa loob ng Freedom Park, Brgy, Guitnang Bayan 1 sa San Mateo, Rizal, Sabado ng gabi, Hulyo 4.
Kinilala ng San Mateo Municipal Police Station (MPS) ang mga naaresto na sina Rica, 20-anyos, at ang kalaguyo nitong si Joseph, 20-anyos, residente ng Brgy. Malanday, San Mateo. Kapwa nagtatrabaho ang dalawa sa isang pagawaan ng ice candy.
Samantala, ang complainant naman ay ang legal na asawa ni Rica na si Jerome, 22-anyos, isang construction worker at residente ng Brgy. Bagong Silangan, Quezon City.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-10:30 ng gabi.
BASAHIN: Koreano nahuling may kasamang ibang babae sa hotel… 24-anyos na misis kinulata
Una rito, naging kahina-hinala umano ang kilos ng misis kaya nagpasya ang biktimang si Jerome na palihim itong sundan mula sa kanilang tirahan sa Quezon City hanggang sa makarating sa naturang parke sa San Mateo.
Dito na tumambad sa nagngingitngit na mister ang kaniyang asawa at si Joseph habang gumagawa ng “intimate acts” sa madilim na bahagi ng parke.
Dahil sa matinding galit, agad sinugod at kinompronta ng biktima ang dalawang suspek. Nauwi ang komprontasyon sa mainit na pagtatalo at suntukan sa pagitan ng legal na asawa at ng kalaguyo.
Swerte namang nagpapatrolya ang mga tauhan ng San Mateo MPS sa lugar kaya agad na naawat ang suntukan.
Kasalukyang nakapiit sa San Mateo MPS ang misis at kalaguyo nito na nahaharap sa kasong adultery.
