May pampalubag-loob na ang mahigit 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila matapos aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang itinuturing na “pinakamalaking dagdag-sahod” sa kasaysayan ng National Capital Region (NCR)—ang P85 daily wage increase.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), “historic” o makasaysayan ang umento dahil ito ang pinakamalaking single increase na ibinigay sa mga manggagawa sa kapital.
Pero teka muna, mga lodi! Hindi ito biglang bagsak sa bulsa dahil hahatiin ito sa dalawang hulog o tranches.
Sa darating na July 19, 2026 ang unang banat kung saan may dagdag na P60 kaya ang non-agriculture minimum wage ay aakyat muna sa P755 mula sa kasalukuyang P695, at susundan naman ito ng pinal na P25 sa January 20, 2027 para tuluyang maabot ang P780 na sahod ng mga manggagawa.
Bagamat may umento, agad na nag-alboroto at binuweltahan ng mga mambabatas at progresibong grupo ang umento dahil barya-barya pa rin daw ito kumpara sa nagtataasang presyo ng bilihin sa Metro Manila.
Ayon sa data ng PSA, ang pamilya sa Maynila ang may pinakamalaking gastos sa buong bansa na pumapalo sa average na P385,050 kada taon.
Sa gitna ng pagdinig sa Kongreso, bumanat agad si Kamanggagawa Party-list Rep. Elijah San Fernando: “Salamat po’t may P85, pero barya pa rin po ‘yan!”
Giit niya, barya lang ito sa tindi ng inflation kaya dapat pa ring ituloy ng Kamara ang batas para sa P200 legislated wage hike.
Sinuportahan din ito ni Akbayan Rep. Perci Cendaña na nagsabing “unang hakbang” pa lang ito at hindi dapat gamiting dahilan para ibasura ang mga pending wage bills sa Kongreso upang makaligtas ang mga manggagawa sa hambalos ng taas-presyo.
Hindi rin pinalampas ng IBON Foundation ang umento. Ayon kay Executive Director Sonny Africa, base sa kanilang pinakahuling pagtaya nitong May 2026, ang tunay na Family Living Wage o ang sapat na kita para mabuhay nang disente ang isang pamilyang may limang miyembro sa NCR ay dapat na P1,279 kada araw.
“Malayong-layo sa P780!” ani Africa. Kahit daw ibigay nang buo ang P85 ngayon at hindi hulugan, katumbas lang ito ng 61% ng nakabubuhay na sahod. Binuweltahan din niya ang pagiging “regional” ng umento dahil tila mga taga-Maynila lang ang nakikinabang dahil malapit sila sa sentro ng kapangyarihan sa Malacañang, habang luhaan ang mga manggagawa sa probinsya.
Kung todo-reklamo ang mga manggagawa na kulang ang P85, todo-babala naman ang mga dambuhalang negosyante laban sa itinutulak na P200 across-the-board legislated wage hike.
Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Director Arturo Guerrero III, mapanganib ang biglaang P200 na taas-sahod dahil baka maging sanhi ito ng pagkawala ng trabaho bukas.
Babala ni Guerrero, kapag masyadong nagmahal ang operational cost ng mga kumpanya, dalawa lang ang bagsak nito: ipapasa ang gastos sa mga mamimili sa pamamagitan ng mas mataas na presyo ng bilihin, o kaya naman ay maglalayasan ang mga foreign investor sa ibang bansa sa ASEAN, o tuluyang gumamit na lang ng robots at automation at mag-tsugi ng mga manggagawang Pinoy.
