Photo: Brgy. Captain Eicyl Maglacas
Matinding pagbaha at malakas na agos ng tubig ang naranasan sa hangganan ng Barangay Lower Buli sa bayan ng Pinamalayan at Barangay Biga sa bayan ng Pola nitong Martes ng umaga, Hunyo 30, dulot ng walang humpay na pagbuhos ng ulan sa lalawigan.
Sa mga ulat at larawang ibinahagi mula sa lugar, makikita ang mapanganib at rumaragasang baha na tuluyang umapaw sa mga kalsada, dahilan upang malagay sa peligro ang kaligtasan ng mga lokal na residente at mga motorista.
Nabatid na ang nararanasang patuloy na pag-ulan sa rehiyon ay dala ng isang potensyal na bagyo, kung saan ang sentro nito ay kasalukuyan nang tumatawid sa lalawigan ng Romblon patungong Mindoro area.
Dahil sa banta ng patuloy na pagtaas ng tubig, mahigpit na pinapayuhan ng mga lokal na awtoridad ang publiko—partikular ang mga naninirahan sa mga mabababang lugar, tabing-ilog, at mga landslide-prone areas—na manatiling alerto.
Pinakikilos din ang mga residente na makipag-ugnayan at sumunod agad sa mga ipatutupad na abiso at posibleng paglilikas ng kanilang lokal na pamahalaan (LGU) at disaster risk reduction management offices upang maiwasan ang anumang untoward incident.
