Nanawagan ang Land Transportation Office (LTO) sa mga motorista na i-renew ang kanilang mga driver’s license at rehistro ng sasakyan sa o bago ang Hulyo 31, 2026 upang maiwasan ang kaukulang multa.
Ayon sa LTO, opisyal nang magtatapos sa huling araw ng Hulyo ang tatlong buwang palugit o extension na ibinigay ng ahensya, alinsunod sa Memorandum Circular No. MVL-2026-5157.
“Pagkatapos ng nabanggit na petsa, ang mga expired na lisensya, permit, at rehistro ng sasakyan na hindi pa rin nare-renew ay papatawan na ng mga umiiral na regulasyon at kaukulang pentalty para sa late renewal,” babala ng LTO sa kanilang advisory.
BASAHIN: E-trike bawal na sa major highways – LTO
Batay sa memorandum ng ahensya, ang deadline sa Hulyo 31 ay pinal na tatapos sa extension ng mga Driver’s Licenses, Conductor’s Licenses, Student Driver’s Permits at Motor Vehicle Registrations (Rehistro ng Sasakyan).
Matatandaang nagsimula ang tatlong buwang extension noong Abril 2026.
Sa loob ng panahong ito, pansamantalang tinanggal ng LTO ang mga multa sa late renewal upang matulungan sa gastusin ang mga drayber at may-ari ng sasakyan.
Ipinaliwanag ng LTO na ang naging direktiba na palawigin ang bisa ng mga lisensya at rehistro ay tugon sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng national energy emergency.
Ito ay matapos sumipa ang presyo ng petrolyo sa bansa dulot ng nagpapatuloy na hidwaan at gulo sa Gitnang Silangan.
Pinayuhan naman ng LTO ang publiko na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na tanggapan ng LTO o bisitahin ang kanilang mga opisyal na social media pages para sa mga beripikado at tamang impormasyon.
