Ipinag-utos ng Sandiganbayan Second Division ang 90-araw na preventive suspension laban kay Senator Jose “Jinggoy” Estrada kaugnay ng kinakaharap nitong kasong graft na nag-ugat sa kontrobersiyal na flood control scandal.
Sa resolusyong inilabas ng korte ngayong Martes, Hunyo 16, 2026, sinususpinde si Estrada sa kanyang kasalukuyang posisyon bilang Senador ng Republika ng Pilipinas, pati na rin sa iba pang pampublikong tanggapan na hawak niya ngayon o sa hinaharap. Epektibo ang suspensiyon sa sandaling maging pinal ang naturang desisyon.
Ayon sa anti-graft court, ang pagpapataw ng preventive suspension ay mandatory o obligatado sa ilalim ng Section 13 ng Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at ng Plunder Law, sa oras na mapatunayang balido ang impormasyong isinampa laban sa isang nakaupong opisyal. Layunin nito na maiwasan ang posibleng impluwensiya sa mga testigo o paggiba sa mga ebidensya habang gumugulong ang paglilitis.
Ipinasuri ng korte ang suspensiyon matapos ibasura ang argumento ng kampo ni Estrada na hindi pa siya nabibigyan ng sapat na pagkakataon upang kuwestiyunin ang imbestigasyon ng Department of Justice at Office of the Ombudsman.
BASAHIN: JINGGOY SUMUKO SA CIDG
Magugunitang nahaharap si Estrada sa kasong plunder at dalawang count ng graft dahil sa alegasyong pagtanggap ng aabot sa P573 milyong halaga ng kickbacks mula sa mga proyekto sa flood control ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan.
Unang nagpiyansa si Estrada ng P90,000 para sa kasong graft noong Mayo 29, subalit tuluyan siyang inaresto at kasalukuyang nakadetene sa New Quezon City Jail sa Payatas para sa hiwalay at walang-piyansang kasong plunder na isinampa naman sa Fifth Division ng Sandiganbayan.
Sa isang pahayag, muling iginiit ni Estrada na wala siyang intensiyong gamitin ang kanyang kapangyarihan at pribilehiyo bilang senador para takasan ang mga paratang.
Dagdag pa niya, patunay nito ang kanyang boluntaryong pagsuko sa mga awtoridad at ang pasya niyang ipatigil muna sa kalihim ng Senado ang pagpapasahod sa kaniya habang suspendido.
Nakatakda ang arraignment para sa kasong plunder ni Estrada at ng kaniyang mga kapwa-akusado sa darating na Hunyo 30.
