Iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang mga ulat na diumano’y hinaharangan ng magkapatid na sina Sen. Mark Villar at Sen. Camille Villar ang pagpapatuloy ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension Project maliban na lamang kung pagbibigyan ng pamahalaan ang kanilang kondisyon.
Sa isang programa sa radyo, ibinunyag ni Ombudsman Crispin Remulla na nakatanggap ang anti-graft body ng impormasyon na tinututulan ng magkapatid na mambabatas ang kasalukuyang disenyo o alignment ng riles upang mapuwersa ang pamahalaan na dumaan ito sa kanilang mga lupain.
“We are investigating… the project should’ve extended to Cavite by now, but we’re still verifying rumors that the Villar senators were going against the alignment. They want the rail system to traverse their lands,” pahayag ni Remulla.
Ayon kay Remulla, nais umano ng mga Villar na dumaan ang extended LRT-1 sa kanilang mga ari-arian sa kahabaan ng C5 Road sa Las Piñas bago ito tuluyang makarating sa Bacoor, Cavite.
“There’s an alignment in Sucat, Parañaque where the project stopped, because they allegedly want it along C5, where they have properties,” dagdag ng Ombudsman.
BASAHIN: PAMILYA VILLAR KINASUHAN NG SEC DAHIL SA ‘MARKET MANIPULATION’
Batay sa mga naunang ulat, kasalukuyan pang inaayos ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang acquisition ng right-of-way para sa Phase 2 at Phase 3 ng proyekto.
Ito’y matapos masapol ng konstruksyon ng C5 Quirino flyover sa Las Piñas ang lupang nakalaan na sana para sa pagdaanan ng LRT-1.
Hindi ito ang unang pagkakataon na naharap ang pamilya Villar sa katulad na kontrobersya.
Noong panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, inakusahan din ang mga Villar ng paggigipit sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na baguhin ang ruta ng C5 Road extension upang dumaan at magbigay-pakinabang sa kanilang malalawak na real estate properties sa Las Piñas at Parañaque, na nagdulot noon ng matinding pagtaas sa halaga ng kanilang mga lupain.
