Mahigit sa kalahati ng mga adult Filipino ang pipiliing manirahan o magtrabaho sa ibang bansa, ayon sa pinakahuling Tugon ng Masa (TNM) survey na isinagawa ng OCTA Research ngayong taon.
Sa naturang sarbey na inilabas nitong Marso, lumalabas na 57 porsyento ng mga respondent ang nagpahayag ng pagnanais na makipagsapalaran sa labas ng Pilipinas.
Kabilang sa mga dahilan kung bakit ninanais ng ating mga kababayan na mangibang-bansa ay dahil sa mas mataas na sahod at kita, mas magandang oportunidad sa trabaho at mas maayos na kalidad ng pamumuhay para sa kanilang pamilya.
BASAHIN: Libreng TESDA certification, hatid sa mga OFW sa Malaysia
Kasabay ng paglabas ng ulat na ito, namataan nitong Lunes, Hunyo 15, 2026, ang mga naglalakad na pedestrian lampas sa isang higanteng mural na inialay para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakapinta sa pader ng Department of Migrant Workers (DMW) sa Mandaluyong City.
Ang nasabing mural ay nagsisilbing paalala sa patuloy na sakripisyo ng milyun-milyong OFWs na itinuturing na mga “bagong bayani” ng bansa, sa gitna ng dumaraming bilang ng mga Pilipinong nagnanais ding sumunod sa kanilang yapak para sa mas magandang kinabukasan.
