Manila 3rd District Rep. Joel Chua. (File photo)
Binigyang-diin ng isang opisyal ng House prosecution team nitong Sabado, Hunyo 13, 2026, na ang magiging pinal na boto sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay dapat ibase lamang sa bilang ng mga senator-judge na aktwal na dumalo at nakibahagi sa mga pagdinig.
Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, “hindi patas” para sa magkabilang panig kung papayagang bumoto ang mga senador na liliban sa paglilitis na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6.
Sa ginanap na Saturday News Forum sa Quezon City, inihalintulad ni Chua ang impeachment trial sa isang regular na pagdinig sa korte kung saan kritikal ang presensya ng tagahatol. Si Chua ang kasalukuyang penger ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
BASAHIN: Kapunan at 9 iba pang top lawyers, sasabak na private prosecutor sa VP Sara impeachment trial
“Paano magiging fair ’yon on the part of defense at sa amin kung buong trial ay hindi siya nakapag-participate, wala siya doon tapos hihingin ang boto niya. Paano nagkaroon ng fair justice doon?” giit ni Chua.
Ipinaliwanag ng mambabatas na magkaiba ang regular na proseso ng pagbabalangkas ng batas sa isang impeachment trial. Sa paglilitis, obligasyon ng senador na makita nang personal ang kilos, pananalita, at kredibilidad ng mga tetstigo upang matukoy kung nagsasabi ang mga ito ng totoo.
Idinagdag pa niya na kung aabot man sa legal na usapin ang interpretsyon ng bilang ng boto, ang Korte Suprema pa rin ang maglalabas ng pinal na desisyon ukol dito.
Iminungkahi rin ni Chua na maaaring silipin kung puwedeng ilapat sa impeachment court ang naging pasya ng bagong Senate majority sa pamumuno ni Senator Sherwin Gatchalian noong nakaraang sesyon ng Hulyo 3 hinggil sa kahulugan ng quorum, lalo’t may mga nauna nang desisyon ang korte ukol dito.
BASAHIN: HOUSE PANEL, KUMPIYANSANG MAY SAPAT NA EBIDENSYA SA IMPEACHMENT VS. VP SARA
Sa kasalukuyan, dalawang senador ang malabong makasama sa paglilitis. Hindi pa rin nakikita si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa matapos itong umalis sa Senado noong Mayo 14, habang nananatili namang nakapiit si Senator Jinggoy Estrada dahil sa kinakaharap nitong kasong plunder. Dahil dito, nasa 22 senador lamang ang pisikal na inaasahang makikibahagi sa paglilitis.
Bagaman malaking usapin ang bilang ng mga boboto, inamin ni Chua na hindi pa ito lubusang natalakay ng House prosecution team dahil nakatutok muna ang kanilang pwersa sa gaganaping pre-trial conference sa darating na Hunyo 18.
