Sa gitna ng pagdadalamhati at pagbangon ng mga residenteng sinalanta ng malakas na 7.8-magnitude na lindol, personal na nagtungo si Vice President Sara Duterte sa General Santos City at Glan, Sarangani upang makita ang tunay na kalagayan ng mga biktima.
Hindi lamang inspeksyon ang ginawa ng Bise Presidente. Nakiramay rin siya sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at personal na nakipag-usap sa mga residenteng naapektuhan ng sakuna.

Kasama ni Duterte si dating Davao del Norte Governor at HNP Secretary General Anthony del Rosario sa pagbisita sa mga komunidad na matinding napinsala ng lindol.
BASAHIN: P67-B badyet sa silid-aralan na naka-tengga, iimbestigahan ni Sen. Bam Aquino
Sa kanyang pag-iikot, sinuri ng Bise Presidente ang lawak ng pinsala sa mga kabahayan at iba pang imprastraktura habang pinakikinggan ang mga hinaing at pangangailangan ng mga residente.
Makikita rin sa mga larawan ang pakikipagkamay at pakikipag-usap ni Duterte sa mga pamilyang nagluluksa, bilang pakikiisa sa kanilang pagdadalamhati at paghihirap dulot ng kalamidad.

Patuloy namang nagsasagawa ng relief operations at damage assessment ang mga lokal na pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno upang matiyak na makarating ang kinakailangang tulong sa mga apektadong lugar.
Habang unti-unting bumabangon ang mga komunidad mula sa trahedya, umaasa ang mga residente na magpapatuloy ang suporta ng pamahalaan para sa kanilang rehabilitasyon at pagbangon.
