Hayagang humingi ng paumanhin at naglabas ng mabibigat na akusasyon si controversial contractor Curlee Discaya laban sa mga itinuturing niyang “buwaya sa gobyerno” makaraan ang siyam na buwang pagkakaditine sa Senado matapos itong i-cite in contempt sa gitna ng pagdinig ukol sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa isang opisyal na pahayag, inamin ni Discaya na nagamit sila ng mga taong nasa posisyon, ngunit mariin nitong itinanggi na sila ang utak sa likod ng katiwalian sa kaban ng bayan.
“Maaaring tingnan ninyo kaming malalaking isda, ngunit hindi kami ang mga buwayang walang kabusugan na matagal nang lumalamon sa kaban ng bayan,” ani Discaya.
Ipinagtanggol din ni Discaya ang integridad ng kanilang mga proyekto. Ayon sa kanya, walang katotohanan ang mga alegasyon ng substandard o “ghost projects” laban sa kanila.
Binigyang-diin niya na lahat ng kontratang ipinagkatiwala sa kanila ay tinupad nang buo at may sapat na warranty at insurance bonds upang matiyak na hindi malulugi ang pamahalaan at ang taumbayan.
Naging emosyonal at mapanghamon ang pahayag ni Discaya nang ungkatin niya ang naging kapalit ng kanyang pagbabanggit ng 17 pangalan na sangkot umano sa sistema. Ayon sa kanya, matapos niyang magsalita ay agad siyang “binusalan” at ikinulong ng siyam na buwan.
Dahil dito, hayagang kinuwestiyon ni Discaya ang sistema ng hustisya sa bansa. Aniya, kung sa unang 17 pangalan pa lamang na kanyang binanggit ay agad na siyang binusalan at ikinulong ng siyam na buwan, paano pa siya aasahang magsalita laban sa mahigit 150 pang makapangyarihang tao na protektado ng sistema?
Kasabay nito, inamin din niya na matinding pagbabanta sa buhay at panganib sa kanyang pamilya ang naging kapalit ng kanyang paglalantad.
BASAHIN: No bail!: Curlee Discaya, 10 iba pa pinaaaresto ng korte
“Ngayon ay malinaw sa akin na hindi ang kasinungalingan ang kinatatakutan ng ilan. Ang kinatatakutan nila ay ang katotohanan kapag nagsimula na itong magkaroon ng pangalan, mukha, at ebidensiya,” dagdag niya.
Sa kabila ng sinapit na pagkakakulong at mga pagsubok, sinabi ni Discaya na hindi niya pinagsisihan ang kanyang desisyong tumindig at magsalita, dahil ang pananahimik aniya ay pagiging kasabwat sa kasamaan.
Sa huli, nag-iwan ng babala si Discaya sa mga nagtatago sa likod ng kapangyarihan. Aniya, maaaring naitago ang katotohanan sa ngayon, ngunit hindi ito mapapatay ng dilim.
“Darating ang araw na ang mga binusalan ngayon ay maririnig, at ang mga nagtago sa likod ng kapangyarihan ay haharap sa hatol ng kasaysayan at ng sambayanan,” pagtatapos ni Discaya.
Nitong Lunes, pormal nang inaresto ng Philippine National Police (PNP) si Discaya.
