Bukas at handa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpatawag ng isang special session sa Kongreso upang resolbahin ang mga naantalang maseselang usapin at mahahalagang panukalang batas ng bansa.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Huwebes, Hunyo 4, kasunod ng mga pagkaantala sa sesyon na idinulot ng mga nagdaang sigalot sa pamunuan ng Senado.
BASAHIN: Malacañang, hinamon ang ‘ex-marines’ na maglabas ng ebidensya sa ‘cash drop’ claims sa Paoay mansion
Ayon kay Castro, hihintayin lamang ng Ehekutibo ang opisyal na kahilingan at balidong basehan mula sa pamumuno ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian bago pormal na iutos ng Pangulo ang pagbubukas ng espesyal na sesyon.
Kabilang sa mga urgent na usaping nais ipatutok ng Palasyo ay ang pagpasa sa mga prayoridad na batas tulad ng Anti-Political Dynasty Law.
Bukod sa mga panukalang batas, nais din ng administrasyon na agarang maresolba ang kumpirmasyon ng mga maseselang posisyon sa pamahalaan, kabilang na ang nakatakdang pagreretiro ng limang heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nangangailangan ng mabilis na aksyon ng Commission on Appointments (CA).
