Photo: PBA
Lumapit sa kanyang pangarap na unang kampeonato si Barangay Ginebra rookie guard RJ Abarrientos matapos gabayan ang Gin Kings sa Finals ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup.
Dahil sa kanyang krusyal at impresibong laro sa semifinals, pinarangalan si Abarrientos bilang PBA Press Corps Player of the Week para sa peryodo ng Mayo 27 hanggang 31.
Pinangunahan ng batang guard ang local crew ng Gin Kings kung saan nagtala siya ng mga averages na 23 puntos, 6.0 assists, 4.2 rebounds, at 2.0 steals upang tuluyang mapatalsik ang Rain or Shine Elasto Painters.
Ang parangal na ito ang huling Player of the Week distinction na ibinigay ng mga reporter para sa kasalukuyang conference.
Naging malaking pambawi ang nagdaang linggo para kay Abarrientos matapos siyang malimitahan sa walong puntos lamang noong Game 4 kung saan lumasap ang koponan ng 97-85 na pagkatalo.
BASAHIN: ALFRANCIS CHUA KAY YENG GUIAO: ‘MINURA NIYA SI CU NG TATLONG BESES, PATI IMPORT NYA WALANG DISIPLINA’
Sa Game 5, agad siyang bumawi at kumana ng 31 puntos, apat na rebounds, walong assists, at dalawang steals para ihatid ang Ginebra sa 111-104 na panalo.
Sinundan pa niya ito ng nagbabagang 30 puntos, anim na rebounds, pitong assists, at tatlong steals sa Game 6 upang selyuhan ang 118-107 na tagumpay at opisyal na iiskedyul ang kanilang paghaharap ng TNT Tropang Giga sa Finals.
Maging ang beteranong coach ng Ginebra na si Tim Cone ay humanga sa ipinakitang karakter at mentalidad ng kanyang rookie bago pa man magsimula ang krusyal na laban.
Ayon kay Cone, kamangha-mangha ang determinasyon ng basketbolista na bakas na sa kanyang mukha at body language sa locker room at maging sa kanilang film meeting bago ang laro, na patunay na handa talaga itong magpakitang-gilas sa court. (RON TOLENTINO)
