Naging matagumpay ang kampanya laban sa basura matapos ihayag ni Cebu City Mayor Nestor Archival na nasa 90% na ng mga nakatambak na dumi sa baybayin ng Pasil at Ermita ang matagumpay na nalinis ng pamahalaan.
Ang tagumpay na ito ay bunga ng kapit-bisig na pwersa ng City Government, DPWH, mga Barangay ng Pasil at Ermita, at ng mga masisipag na cleanup teams na walang humpay sa pagpapawis para mapaganda ang shoreline.
Ngunit sa gitna ng selebrasyon, uminit ang ulo ng alkalde matapos makatanggap ng isang video mula sa isang concerned citizen ngayong araw.
Sa naturang video, huling-huli ang isang walang-disiplinang indibidwal na walang pakundangan kung magtapon ng sako ng basura diretso sa dagat, mismong sa tapat pa ng Pasil Fish Market.
Dahil dito, binuweltahan ng alkalde ang kultura ng ilang pasaway na mamamayan.
BASAHIN: MMDA GAGAMIT NG NCAP VS MGA NAGTATAPON NG BASURA
Aniya, ito ang mismong patunay kung bakit hindi sapat ang paglilinis lang ng gobyerno.
“Kaya namang hakutin ng gobyerno ang basura, pero ang mga tao lang ang makakapigil sa pagbabalik nito,” mariing paalala ni Mayor Archival.
Dahil dito, nakiusap at nanawagan ang alkalde sa bawat Cebuano na magmalasakit at tulungang protektahan ang mga ilog at coastal waters sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura at pagsaway sa mga baboy sa kalikasan.
Pinaalalahanan din niya ang publiko na ang kinabukasan ng kalikasan ay hindi lang nakasalalay sa kayod ng gobyerno, kundi sa disiplina ng bawat isa araw-araw. “Panatilihin nating malinis ang Cebu City—magkasama tayo!” pagtatapos ng alkalde.
