209 PULIS IPAPAKALAT PARA SA LIGTAS NA PASUKAN SA QC
All systems go na ang Quezon City Police District (QCPD) para sa pagbubukas ng School Year 2026–2027 sa darating na June 8, 2026.
Sa ilalim ng pamumuno ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, ikakasa ng kapulisan ang “Oplan Balik-Eskwela” upang masigurong ligtas, swabe, at walang aberya ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral sa lungsod.
Hindi lang sa mismong pasukan magbabantay ang mga mamang pulis dahil simula ngayong June 1 hanggang June 5, 2026, nakatutok na ang QCPD sa Brigada Eskwela.
Sila ang nakatoka sa seguridad at traffic management para maging maayos ang paghahanda ng mga paaralan.
BASAHIN: Pagnanakaw sa pawnshop via tunnel, napigilan ng QCPD
Upang mapurnada ang balak ng mga kriminal at masasamang elemento, magpapakalat ang QCPD ng kabuuang 209 na miyembro ng kapulisan sa 175 pampubliko at pribadong paaralan sa buong QC.
Magtatayo rin sila ng 86 Police Assistance Desks (PADs) sa mga estratehikong lugar at mga matataong sakayan para mabilis na rumesponde sa anumang gulo o sumbong ng publiko.
Ang buong puwersa ay ilalatag sa kalsada sa mismong araw ng pasukan, June 8.
Katuwang ng pulisya ang Department of Education (DepEd), ang Quezon City Local Government Unit sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte, mga opisyal ng barangay, traffic enforcers, at iba pang partner sa komunidad.
“Handa ang QCPD na tiyakin ang ligtas at maayos na pagbubukas ng klase para sa SY 2026–2027,” mariing pahayag ni PBGen. Silvio upang ipatid sa mga magulang, mag-aaral, at mga titser na ligtas silang makakapasok sa mga eskwelahan.
