IBINUNYAG ANG PANGGIGIPIT NA TALIKURAN SI SENATE PRES. CAYETANO KAPALIT NG PAG-ABSULWELTO SA KASO
Pormal nang sumuko si Senator Jinggoy Estrada sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Lunes, June 1, 2026, matapos itong bitbitan ng warrant of arrest sa kasong plunder kaugnay ng flood control scandal.
Hapon nitong Lunes nang ipalabas ng Sandiganbayan Fifth Division ang utos ng pag-aresto laban kay Estrada.
Kasama sa mga nilabasan ng warrant sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, Assistant District Engineer Denryl Caesar Cortuna, at mga District Engineer na sina Manny Bulusan at Arturo Gonzales Jr. dahil sa pagkakasangkot umano sa anomalya sa flood control.
Sa isang press conference sa Senado bago sumuko, matapang na inihayag ni Jinggoy na handa niyang harapin ang mga asuntong ibinato sa kanya ng Office of the Ombudsman.
BASAHIN: SEN. JINGGOY, IPINAARESTO NG SANDIGANBAYAN
“Hindi ako mababasag ng mga akusasyon, at hindi ako susuko sa political pressure. Haharapin ko ito nang buong tapang, ipagtatanggol ko ang aking dangal sa tamang proseso, at nagtitiwala ako sa katotohanan,” deklarasyon ng senador.
Bwelta pa ni Jinggoy, wala umanong basehan ang mga paratang laban sa kanya: “Nakahanda akong ipagtanggol ang aking sarili sa hukuman at hindi ako magtatago sa institusyong ito (Senado) upang umiwas sa proseso… Kalukuhan ang lahat ng ito!”
Dito na rin nagpakawala ng pampasabog ang senador nang ibunyag na marami umanong nagtangkang gipitin at himukin siya na iwanan ang independent majority bloc na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano kapalit ng pagbabasura sa kanyang kaso.
“Maraming beses po akong inalok na talikuran ang independent majority bloc kapalit ng pagbabasura ng aking kaso ngunit hindi ko po ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ko na ako’y manatili sa hanay ng mga kasamahan ko,” pagbubunyag ni Jinggoy.
Isiniwalat din nitong may layunin ang panggigipit na ito na pahinain ang kapangyarihan ng Senado bilang isang independiyenteng sangay ng gobyerno.
Para naman patunayan sa publiko na wala siyang balak pakinabangan ang kaban ng bayan, personal na iniutos ni Estrada sa Senate secretary na i-hold o huwag munang ibigay ang kanyang suweldo.
Depensa pa niya, maging ang Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office ay nagpapatunay na walang anumang dokumento o rekord na nagpapakitang nakatanggap siya ng sinasabing insertions sa 2025 national budget.
Matatandaang ayon sa Ombudsman, nag-ugat ang kaso sa maanomalyang budgetary insertions at project allocations sa DPWH noong fiscal year 2025, kung saan nakatanggap umano si Estrada ng abot sa P573 milyong pisong kickback mula sa mga itinalagang infrastructure projects.
“Paano magsasampa ang Ombudsman ng kasong plunder laban sa akin kung hindi naman ako pinararatangan na kasama o utak ng sinasabing iskema? Wala po akong kinalaman dyan,” giit ng mambabatas.
Samantala, nakatakda namang ituloy ng Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan ngayon ni Senator Pia Cayetano, ang kanilang imbestigasyon sa flood control anomalies ngayong darating na June 4, 2026.
