Pormal nang itinakda ng International Criminal Court (ICC) sa darating na Nobyembre 30 ang pagsisimula ng paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na nag-ugat sa kanyang madugong kampanya laban sa ilegal na droga.
Nahaharap ang 81-anyos na dating lider ng bansa sa tatlong counts ng crimes against humanity dahil sa umano’y pagpatay sa hindi bababa sa 76 na indibidwal at tangkang pagpatay sa dalawang iba pa. Batay sa sakdal ng mga taga-usig, ang mga nasabing krimen ay ginawa sa gitna ng kanyang anti-narcotics campaign mula 2016 hanggang 2022, na pumatay sa libu-libong sibilyan.
Hindi dumalo si Duterte sa naganap na pagdinig nitong Miyerkules matapos nitong talikdan ang kanyang karapatang humarap sa korte.
Sa kabila nito, matagal nang naninindigan ang dating pangulo na ang kanyang utos sa mga kapulisan ay pumatay lamang kung kinakailangan para sa pagtatanggol sa sarili (self-defense), at patuloy niyang ipinagtatanggol ang legalidad ng naturang operasyon.
Magugunitang inaresto si Duterte at dinala sa The Hague noong Marso 2025, kung saan kasalukuyan siyang nakapiit sa detention center ng ICC.
BASAHIN: INDEPENDENT TRUTH COMMISSION PARA SA DRUG WAR NI DUTERTE, INILUNSAD
Sinubukan namang iapela ng mga abogado ni Duterte na hindi na ito nararapat pang sumailalim sa paglilitis dahil sa umano’y nararanasang cognitive decline o paghina ng kaisipan dahil sa katandaan. Gayunpaman, ibinasura ito ng korte at nagdesisyong kaya pa nitong sumunod at makilahok sa mga pagdinig, sa kondisyong magkakaroon ng mga kaukulang penalaan o adjustments sa oras ng mga sesyon.
Inaasahang tatagal ng ilang taon ang proseso bago maglabas ng pinal na hatol ang ICC—ang nag-iisang permanenteng war crimes court sa buong mundo. Kung mapatutunayang nagkasala, nahaharap si Duterte sa pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkabilanggo.
