Mainit na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Huwebes ang inisyatiba ng Japan na nagkakahalaga ng $10 bilyon, ang Partnership on Wide Energy and Resources Resilience (POWERR Asia), na naglalayong patatagin ang seguridad sa enerhiya ng rehiyon sa gitna ng pabago-bagong suplay ng langis sa buong mundo.
Tinalakay ng Pangulo ang naturang plano sa kanyang pakikipagpulong kay dating Japanese Prime Minister Fumio Kishida, na kasalukuyang Supreme Adviser ng Parliamentary Association ng Asia Zero Emission Community (AZEC), sa sidelines ng kanyang state visit sa Japan.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nakatutok ang pulong sa pagpapalakas ng kooperasyon ng Pilipinas at Japan pagdating sa renewable energy, mga teknolohiyang may mababang carbon emissions, at pangmatagalang seguridad sa enerhiya sa ilalim ng AZEC framework.
Ikinatuwa ng Pangulo ang paglulunsad ng POWERR Asia na naglalayong palakasin ang distribusyon ng enerhiya sa Asya, pag-iba-ibahin ang mga pinagkukunan nito (diversification), dagdagan ang kakayahan sa pag-iimbak, at pondohan ang mga proyektong may kinalaman sa energy efficiency.
Ang naturang hakbang ng Japan ay tugon sa lumalalang pangamba sa banta ng oil at energy supply disruption dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East—isang rehiyon na kritikal sa pandaigdigang supply chain ng langis.
Magugunitang paulit-ulit na nananawagan si Pangulong Marcos para sa mas malawak na internasyonal na kooperasyon upang mapigilan o mapagaan ang epekto ng mga geopolitical na labanan sa presyo ng petrolyo, katatagan ng suplay, at paglago ng ekonomiya.
Bukod dito, ipinahayag din ng Pangulo ang kahandaan ng Pilipinas na pamunuan at i-co-chair ang gaganaping AZEC Leaders’ Summit sa Maynila sa darating na Nobyembre 2026 kasama si Japanese Prime Minister Sanae Takaichi, na bahagi rin ng chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN ngayong taon.
Ang Japan ay nananatiling isa sa mga pinakamahalagang katuwang ng Pilipinas pagdating sa usapin ng energy transition, imprastraktura, at mga pamumuhunan laban sa pagbabago ng klima.
