No work, no worry, iboto ang yong napipisil!
Aba, siguradong abot-langit ang ngiti ng mga manggawang Pinoy matapos aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukalang batas na magdedeklara sa araw ng pambansang eleksyon bilang isang regular non-working holiday.
Sa botong 233 na “Yes,” walang kumontra, at isa lang ang nag-abstain, tuluyan nang umusad ang House Bill No. 8392.
Ang layunin ng batas?
Bigyan ng “incentive” o pabuya ang mga botante para gisingin ang kanilang natutulog na natatanging karapatan — ang bumoto!
BASAHIN: LITO LAPID KAY PIA CAYETANO: ‘GUSTO KO PO KASING MALAMAN MO NA MAHAL KITA’
Ayon sa panukala, hindi lang basta botohan ng Presidente o Senador ang sakop nito. Pasok din sa holiday ang mga plebisito, reperendum, people’s initiative, recall elections, at special elections basta’t pang-buong bansa ang saklaw nito.
Sabi nga ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, na isa sa mga may-akda ng batas, napakainam nitong regalo sa mga Pinoy para makaboto nang walang iniisip na trabaho.
“Para naman makahinga sila sa mga iisiping trabaho at makatutok sa matalinong pagboto,” hirit ng mambabatas mula sa Ilocos Norte.
Oras na mapirmahan ito at maging ganap na batas, babaguhin nito ang Administrative Code of 1987 para opisyal nang itatak ang “National Election Day” sa listahan ng mga pulang araw sa kalendaryo.
