Plake ng Pagkilala: Si Kalihim Sonny Angara (gitna) kasama sina Dr. Carmelita C. Abdurahman, Fultaym Komisyoner (kaliwa) at Atty. Marites A. Barrios-Tan, Tagapangulo ng KWF.
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
TUMANGGAP ng mataas na pagkilala at pagpapahalaga ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF, itinatag 1936 at nireporma 1991) mula sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd, itinatag 1898) sa pamumuno ni Kalihim Juan Edgardo “Sonny” M. Angara. Iginawad sa KWF ang Plake ng Pagpapahalaga na nagpapatibay sa iisang mithiin para sa kabataang Pilipino na idinaos sa Lungsod Mandaluyong nakaraang 08 Mayo 2026 Biyernes.
Ang pagkilala ay kaalinsabay ng katatapos na DepEd Partner’s Appreciation Ceremony na may temang “Partnerships that endure. Reforms that last” bilang pagpapatunay ng isang matatag na ugnayan at selyo ng alyansa bilang patuloy na pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon. Sa pamamagitan ng paggamit at pagpapayaman ng wikang Filipino bilang pangunahing instrumento ng karunungan, higit na nailalapit sa lahat ang sining, kultura, at agham sa kamalayan ng bansa.
BASAHIN: HUBAD NA KATOTOHANAN SA EDUKASYON NG BARMM
Taos-pusong kinikilala ng KWF ang mahalaga at walang-kapantay na papel ng DepEd para sa pagtitiyak na ang pambansang wika at mga katutubong wika ay nananatiling buhay, dinamiko, at makabuluhan sa puso’t isipan ng lahat ng mga mag-aaral sa lahat ng panahon. Ang parangal ay magsisilbing inspirasyon ng KWF upang higit pang magsumikap at pag-ibayuhin ang pagbuo ng mga programang makakatulong sa pag-agapay sa kurikulum ng kagawaran, tungo sa isang makakabataan at makabayang kabataan.
Mabuhay ang Komisyon sa Wikang Filipino!
