Humarap at tumestigo ang isang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Sandiganbayan upang ibunyag ang mga seryosong anomalya sa pagpopondo sa P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ang naturang proyekto ay ang mismong paksa ng kasong malversation laban kay dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at anim na iba pang opisyal.
Sa kaniyang testimonya sa harap ng Sandiganbayan Third Division nitong linggo, Mayo 20, 2026, isiniwalat ni DPWH Bulacan First District Engineering Office (DEO) Quality Assurance Section Chief Ferdinand Vergara Jr. na sinertipikahang “tapos” o kumpleto ang proyekto at pinayagan ang pagpapalabas ng bayad sa contractor sa kabila ng kawalan ng mandatoryong construction materials testing report.
Ayon kay Vergara, tungkulin sana ng mga nakatalagang materials engineer at project engineer na tiyaking kalakip ang nasabing ulat sa bawat progress report bago lagdaan ang mga papeles para sa pinal na transaksyon.
“Wala pong naka-attach na construction materials test result. Sa DO (Department Order) 11, dapat po may test report,” depensa ni Vergara nang direktang tanungin ni Sandiganbayan Third Division Chairperson at Associate Justice Karl Miranda.
BASAHIN: TORRE, HANDANG ARESTUHIN SI BATO KUNG IUTOS NI MARCOS
Ipinaliwanag ng opisyal na sa ilalim ng tamang proseso, kapag inilabas na ang resulta ng pagsusuri sa mga materyales, obligado itong suriin muna ng materials engineer, bago ipasa sa project engineer, at huling aaprubahan ng chief of construction.
Nabatid na ang mga engineer nakatalaga sa kuwestiyunableng proyekto sa Pandi ay sina Engineer Arjay Domasig bilang project engineer, at Engr. Emelita Juat bilang materials engineer.
Ang dalawa ay kabilang sa mga kapwa-akusado o co-accused ni Revilla sa kinakaharap nitong kasong malversation.
Binigyang-diin pa ni Vergara na kitang-kita ang kabiguan at kawalan ng due diligence o sapat na pag-iingat sa panig ng mga nangasiwa sa pagtatayo ng flood control facility dahil pinalusot ang dokumento kahit kulang-kulang ang mga pirma at patunay.
“Dapat kumpleto po lahat ng requirements. Dapat sine-secure po nila na andun iyong test report bago pumirma,” dagdag pa ng tumayong saksi.
Bukod kina Revilla, Domasig, at Juat, kasama rin sa mga nahaharap sa patung-patong na reklamo ang iba pang dating opisyal ng DPWH Bulacan First DEO na sina Assistant District Engineer Brice Hernandez, Assistant District Engineer Jaypee Mendoza, Finance Section Chief Juanito Mendoza, at Cashier Christina Pineda.
