Bulagta ang isang 40-anyos na lalaki matapos tadtarin ng bala ng isang hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Aringit, Barangay San Isidro ng lungsod na ito, tanghali noong Lunes, Mayo 18, 2026.
Sa ulat na natanggap ng Police Regional Office 4A, kinilala ang biktima na si alyas “Buddy,” walang trabaho at residente sa naturang lugar.
Batay sa ulat ng pulisya, idineklara itong dead on spot dahil sa mga natamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
BASAHIN: Galit sa Marites? Kelot, arestado matapos bantaang papatayin ang ginang dahil sa tsismis at utang
Ayon sa salaysay ng isang testigo na itinago ang pagkakakilanlan para sa kaniyang seguridad, habang nagbabalag ng labada sa labas ng kanilang bahay ay narinig niya ang biktima at ang suspek na nagtatalo ukol sa isang transaksyon kung saan nabigo umano ang biktima na mag-remit ng kaukulang bayad o kita.
Sa gitna ng komosyon, bigla na lamang umanong bumunot ng baril ang suspek—na nakasuot ng itim na helmet, itim na long sleeves, at itim na pantalon—at sunod-sunod na pinaputukan si alyas Buddy.
Matapos bumagsak ang biktima, binalingan din ng suspek at pinaputukan ang dalawa pang lalaki na kinilalang sina alyas “Puti” at alyas “Alas” na kasama sa lugar.
Mapalad namang nakailag at nakatakas ang dalawa, bagama’t patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad ang kanilang kinaroroonan hanggang sa kasalukuyan.
Matapos itumba ang biktima, kaswal lang na naglakad palayo ang suspek habang tangan pa ang kaniyang armas
Lumalabas sa paunang pagsisiyasat ng pulisya at ayon na rin sa mga kapitbahay sa komunidad, ang biktima kasama ang dalawang nakatakas na testigo ay kilalang mga “drug personalities” sa kanilang lugar at sangkot umano sa mga iligal na aktibidad na may kinalaman sa droga.
Kasalukuyan nang nagkasa ng dragnet operations ang Antipolo Police katuwang ang mga katabing police units para sa posibleng pagharang at pag-aresto sa suspek.
Bukod dito, nirerepaso na rin ng mga imbestigador ang mga kuha ng CCTV sa paligid upang pormal na makilala at matunton ang salarin.
