Photo by ART TORRES
Nagkasa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng transport group na PISTON sa tapat ng tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Lunes, Mayo 18, 2026.
Isinagawa ng mga tsuper at operator ang rally kasabay ng isinasagawang pagdinig sa loob ng ahensya hinggil sa inihain nilang petisyon para sa pagtataas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
BASAHIN: ‘Wanted Bato’ posters, ikinalat ng Akbayan Youth sa Quezon City
Kalakip ang mga panawagan sa mga plakard, iginiit ng grupo ang agarang pag-apruba sa hirit na fare hike upang maibsan ang pasanin ng mga public utility vehicle (PUV) drivers na labis nang pinahihirapan ng patuloy na pag-arangkada ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa PISTON, bukod sa mataas na presyo ng krudo at gasolina, hindi na rin kinakaya ng mga tsuper ang lumalaking operational costs o ang pang-araw-araw na gastusin sa pagpasada, kaya halos wala na silang nauuwing kita para sa kani-kanilang pamilya.
