Photo: Bayan ng Montalban FB
HINDI na umabot ng buhay sa ospital ang isang 37-anyos na ina habang sugatan naman ang kaniyang dalawang batang anak matapos mabagsakan ng isang malaking bato mula sa gumuhong lupa sa Sitio Macopoy, Barangay Masca, Rodriguez, Rizal madaling-araw ng Linggo, Mayo 17.
Batay sa opisyal na ulat na natanggap ng PNP Police Regional Office 4A, kinilala ang nasawing biktima na si Florisel Mahinay y Medina.
Ginagamot naman ngayon sa ospital ang kaniyang dalawang anak na sina Miro, dalawang taong gulang, at Jacob, 12-anyos at isang Grade 7 student.
Ayon sa salaysay ng saksing si Hazel, 18-anyos at anak din ng biktima, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw.
Nagising na lamang umano siya sa sigaw ng kaniyang ina, “Ano ‘yon, Parang may gumuguho, labas bilis labas!”
Subalit ilang sandali lamang, isang dambuhalang bato ang biglang gumulong pababa mula sa kabundukan at direktang sumalpok sa bahay ng nasabing pamilya.
BASAHIN: 4 tirador ng copper cable sa Parañaque, kalaboso
Dahil sa tindi ng impact, agad na nagtamo ng malubhang sugat at pinsala sa katawan ang tatlong biktima.
Mabilis na isinugod ang mga biktima sa Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital upang lapatan ng emergency medical assistance.
Gayunman, idineklarang dead on arrival ng attending physician na si Dr. Kimberly Ann P. Pascual ang inang si Florisel. Habang ang kaniyang dalawang anak, na kapwa sugatan sa insidente, ay nakatanggap ng agarang first aid at karagdagang atensyong medikal mula sa mga staff ng ospital.
Samantala pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Montalban, sa ilalim ng pamumuno ni Mayor General Ronnie S. Evangelista (Ret.), sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ang agarang pamamahagi ng food packs at hygiene kits sa mga pamilyang naapektuhan ng landslide.
Sampung (10) pamilya ang nabigyan ng tulong habang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan para sa iba pang apektadong residente.
