Nagpalabas ng opisyal na babala ang Food and Drug Administration (FDA) sa publiko laban sa pagbili at paggamit ng sikat na food supplement na “LUXE SKIN BEAUTY TALKS L. ANNA Premium Oral Sunblock + Stem Cell Dietary Supplement.”
Sa ilalim ng FDA Advisory No. 2026-0162 na nilagdaan ni FDA Director General Atty. Paolo Teston, kinumpirma ng ahensya na ang naturang produkto ay walang kaukulang Certificate of Product Registration (CPR).
Nangangahulugan ito na hindi ito dumaan sa pagsusuri ng FDA para masiguro ang kalidad, kaligtasan, at pagiging epektibo nito sa kalusugan ng mga gagamit.
Napatunayan ng FDA sa pamamagitan ng kanilang online monitoring at post-marketing surveillance na talamak ang pagbebenta ng nasabing produkto kahit wala itong legal na permiso.
BASAHIN: Ina patay, 2 anak sugatan sa landslide sa Rodriguez, Rizal
Alinsunod sa Republic Act No. 9711 o ang Food and Drug Administration Act of 2009, mahigpit na ipinagbabawal ang pagma-manufacture, pag-angkat, pagbebenta, pamamahagi, at pag-aanunsyo ng anumang produktong pangkalusugan na walang sapat na awtorisasyon mula sa pamahalaan.
Dahil hindi dumaan sa evaluation process, binigyang-diin ng ahensya na hindi nila magagarantiya kung ligtas ba itong inumin o kung may masamang epekto sa katawan.
Kaugnay nito, binalaan ng FDA ang mga establisyimento, online sellers, at mga tindahan na ihinto agad ang pagbebenta at pag-promote ng produkto habang wala pa itong CPR, dahil kung hindi ay haharap sila sa mabigat na parusa at sunction ng batas.
Humiling na rin ang FDA sa mga lokal na pamahalaan na kumpiskahin at tiyaking hindi maibebenta ang naturang oral sunblock sa kanilang nasasakupan. Inatasan din ang Bureau of Customs na harangin ang pagpasok o paglabas ng produktong ito at ng iba pang mga pekeng food supplements sa bansa.
