Nagtagisan ng husay sa pagluluto ang mga kalahok mula sa iba’t ibang barangay sa idinaos na Villar Foundation Cooking Competition nitong Mayo 14 sa Villar Sipag Complex.
Ang kompetisyon ay naging entablado upang ipakita ang pagkamalikhain ng mga Pinoy sa paghahanda ng masusustansyang putahe gamit ang mga sariwang ani mula sa mga urban garden.

Bukod sa mga gulay, isinama rin sa mga niluto ang sariwang karne at isda upang makabuo ng mga pagkaing hindi lamang masarap kundi masustansya rin para sa pamilya.
Pinangunahan nina Cynthia Villar, Managing Director ng Villar Foundation, at Senator Camille Villar ang aktibidad.
Binigyang-diin ng mag-ina ang kahalagahan ng urban agriculture bilang solusyon sa hamon ng food security at sustainability sa mga lungsod.
BASAHIN: Singil sa transmission ng kuryente, bumaba ngayong Mayo – NGCP
Ayon sa Villar Foundation, layunin ng patimpalak na hikayatin ang mga pamilyang naninirahan sa lungsod na magtanim ng sariling pagkain kahit sa limitadong espasyo.
Sa pamamagitan nito, masisiguro ang pagkakaroon ng malinis at murang mapagkukunan ng pagkain sa bawat komunidad.
Ang nasabing programa ay bahagi ng mas malawak na adbokasiya ng organisasyon na itaguyod ang mas malusog na pamumuhay at pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim. (DEB)
