Hindi na kailangang umuwi pa ng Pilipinas ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Malaysia upang makakuha ng opisyal na pagkilala sa kanilang skills matapos ilapit ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang kanilang serbisyo abroad.
Sa ilalim ng Overseas Assessment Program (OAP) ng TESDA, katuwang ang Migrant Workers Office (MWO), naging matagumpay ang 81 sa 82 OFWs na sumailalim sa assessment at nabigyan ng kaukulang National Certificates (NCs).
Sumaklaw ang mga libreng assessment sa mga in-demand na kurso gaya ng Hairdressing NC II, Barista NC II, Bread and Pastry Production NC II, Bartending NC II, Cookery NC II at Dressmaking NC II.
Ayon kay TESDA Secretary Kiko Benitez, ang inisyatibong ito ay bahagi ng pangako ng ahensya na gawing accessible ang serbisyo ng gobyerno kahit nasaan mang panig ng mundo ang mga Pinoy.
BASAHIN: Singil sa transmission ng kuryente, bumaba ngayong Mayo – NGCP
“Hindi dapat maging hadlang ang distansya para makilala ang husay ng ating mga OFWs,” ani Sec. Benitez. “Ang certification ay hindi lang papel, pero susi sa mas magandang career opportunities. Para may daan sila papunta sa mas maayos na trabaho at mas mataas na kita.”
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Neldie Rosal, isa sa mga OFW na nakapasa, dahil nakatipid sila sa pamasahe at oras. “Malaking tulong po ito dahil hindi na namin kailangang umuwi pa ng Pilipinas para makakuha ng certification. Mas nadagdagan ang aming kumpiyansa,” aniya.
Ang programang ito ay direktang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bigyang-lakas ang mga OFW sa pamamagitan ng upskilling at professional certification para maging mas competitive sa global market.
Inihayag ng TESDA na nakatakda ring magsagawa ng katulad na OAP activities sa Saudi Arabia at United Arab Emirates (UAE) sa mga susunod na buwan.
