Larawan mula sa PNA
Kasunod ng bawas-singil na inanunsyo ng Meralco, naglabas din ng magandang balita ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos bumaba ang singil sa transmission para sa Mayo 2026 billing.
Ayon sa NGCP, bumaba ng 8.80% ang kabuuang average transmission rate.
Mula sa P1.7526/kWh noong Marso, papalo na lamang ito sa P1.5983/kWh ngayong Mayo.
Nag-ugat ang pagbaba sa dalawang aspeto: ang pagliit ng transmission wheeling rates at ang bawas sa bayad para sa Ancillary Services (AS).
Bumagsak ng 14.16% ang transmission wheeling rates—ang bayad sa pangunahing serbisyo ng NGCP sa paghahatid ng kuryente—kung saan naging 60 sentimos (P0.6028) na lamang ito bawat kWh mula sa dating 70 sentimos noong Marso.
BASAHIN: Singil sa kuryente ngayong Mayo, bumaba – Meralco
Bahagya ring bumaba ng 5.02% ang Ancillary Services (AS) na naging P0.8088/kWh. Ang AS ay ang mga pass-through costs para sa pagpapanatili ng balanse at istabilidad ng power grid sa bansa.
Nilinaw ng NGCP na hindi sila kumikita sa Ancillary Services dahil ang bayad dito ay direktang napupunta sa mga generating companies.
“Para sa Mayo 2026 electric bill, 60 sentimos lamang kada kWh ang sinisingil ng NGCP para sa paghahatid ng serbisyo nito,” paliwanag ng kumpanya.
Dagdag pa nila, ang AS pa rin ang kumakatawan sa malaking bahagi ng transmission charges ngunit wala silang kontrol sa paggalaw ng presyo nito.
