Upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis at tensyon sa Gitnang Silangan, isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang GINHAWA Act na naglalayong tapyasan ang babayarang buwis ng mga micro businesses sa bansa.
Sa ilalim ng panukalang GINHAWA o Granting Increase in Take-Home Pay for All Working Filipinos Act, pahihintulutan ang mga micro entrepreneurs na magkaroon ng karagdagang deductible expense na katumbas ng 50% ng kanilang labor expenses.
Ayon kay Gatchalian, na nagsisilbing Vice Chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, malaking tulong ito para sa mga sari-sari stores, carinderia, laundry services, tailoring shops, food stalls at maliliit na e-commerce businesses
“Kapag pinagaan natin ang buwis ng maliliit na negosyo, mas mapapalago nila ang kanilang kabuhayan at masisiguro ang tuloy-tuloy nilang kita at trabaho para sa kanilang mga empleyado,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin din ng senador na ang mas mababang buwis ay magsisilbing mitsa upang magparehistro na ang mga informal businesses.
Kapag rehistrado na ang isang negosyo, magbubukas ito ng pinto para sa mga bank loans na kailangan upang mas mapalawak pa ang kanilang operasyon.
Alinsunod sa Ease of Paying Taxes (EOPT) Act, ang mga tinuturing na micro taxpayers ay ang mga may kabuuang gross sales na mas mababa sa P3 milyon sa loob ng isang taon.
BASAHIN: 31,000 PDLs, nakalaya na sa ilalim ng Marcos administration
Sa pamamagitan ng panukalang ito, inaasahan na mas magiging matatag ang maliliit na negosyo na siyang pundasyon ng lokal na ekonomiya sa gitna ng mga hamon sa pandaigdigang merkado.
