Hindi nakaligtas sa kamay ng batas ang dalawang itinuturing na “Top Most Wanted Persons” ng Pasig City Police Station matapos silang matunton at maaresto sa lalawigan ng Northern Samar nitong Linggo, Mayo 10.
Bitbit ang warrant of arrest na inisyu ng RTC Branch 152, Pasig City, matagumpay na isinagawa ng mga operatiba ng Station Intelligence Section ang operasyon dakong alas-5:45 ng hapon sa Brgy. Bugay, Las Navas, Northern Samar.
Kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Jhay-R”, 28-anyos, na kinilalang Rank 1 Most Wanted Person sa station level at alyas “Katoy”, 37-anyos, na tumatayo namang Rank 2 Most Wanted Person ng Pasig CPS.
Ang dalawa ay nahaharap sa kasong Homicide (Article 249 ng Revised Penal Code).
Bago dinala sa custodial facility, isinailalim muna ang mga suspek sa medical examination sa Catubig District Hospital sa Northern Samar. Kasalukuyan na silang naghihintay ng commitment order mula sa korte para sa kanilang pormal na pagkakakulong.
Pinuri ni Police Brigadier General Aden T. Lagradante, District Director ng Eastern Police District (EPD), ang matagumpay na pagkakahuli sa dalawa na nagpapatunay sa lawak ng abot ng kapulisan laban sa mga nagtatago sa batas.
“Patuloy ang aming maigting na kampanya laban sa mga wanted persons. Walang sinuman ang makalulusot sa batas. Ang EPD ay laging handang ipatupad ang hustisya para sa kapayapaan ng ating komunidad,” pahayag ni PBGEN Lagradante.
