SHOOT sa loob ng rehas ang 36-anyos na lalaki na wanted sa limang bilang ng kasong Statutory Rape matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado na residente ng Brgy., Parada ng lungsod ay kabilang sa kanilang talaan ng mga Most Wanted Person.
Nang maglabas ang Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 270, ng arrest warrant laban sa akusado para sa limang bilang ng kasong Statutory Rape under Article 266-A(1) of the Revised Penal Code, as amended by R.A. 11648, kaagad ikinasa ng mga tauhan ni Col. Talento ang pagtugis sa kanya.
Nagawang masukol ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS ang akusado malapit sa kanyang tirahan kung saan isinilbi sa kanya ang nasabing warrant na walang inirekomendang piyansa. Matapos nito, dinala ang akusado sa pagamutan para sa medical examination bago tinurnover sa custodial facility unit ng Valenzuela Police kung saan siya pansamantalang nakapiit.
