Mariing itinatanggi ng content creator na si Franco Mabanta, founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN), ang mga paratang ng extortion laban sa kanila, kasunod ng isang kontrobersyal na pag-aresto sa kanila ng National Bureau of Investigation (NBI), na tinawag nilang isang “set-up” upang supilin ang katotohanan.
Sa isang Facebook post ng PGMN matapos ang kanilang pagkakaaresto, iginiit ni Mabanta na walang naganap na pangingikil o pananakot.
Sa halip, sinabi niya na ang pag-aresto ay isang desperadong hakbang ni dating House Speaker Martin Romualdez upang pigilan ang nakatakdang paglalabas ng isang 90-minutong exposé na maglalantad sa umano’y malawakang korapsyon ng mambabatas.
Ayon kay Mabanta, limang buwan nilang sinaliksik ang “nakahihindik na pambansang korapsyon” ni Romualdez noong ito ay Speaker pa ng Kamara.
Ang nasabing episode ay tapos na, ganap nang na-edit, at puno umano ng mabibigat na ebidensya.
Naniniwala ang grupo na ang tiyempo ng kanilang pag-aresto ay may kaugnayan sa kasalukuyang mga kinakaharap na imbestigasyon ni Romualdez sa Ombudsman.
Dagdag pa ni Mabanta, tila nagpapadala na rin ng senyales si Pangulong Marcos na handa na itong papanagutin ang mga taong pinaniniwalaang sumasabotahe sa kanyang administrasyon.
Ibinunyag din ni Mabanta na ilang araw bago ang operasyon, nakatanggap sila ng mga babala mula sa mga makapangyarihang kaibigan tungkol sa panganib sa kanilang pisikal na kaligtasan, kabilang ang banta ng mga “hitman.”
Dahil dito, nag-iwan ng mahigpit na instruksyon si Mabanta sa kanilang mga legal team: kung may mangyaring masama sa kahit sino sa kanilang grupo—maging ito ay pinsala o kamatayan—awtomatikong ilalathala ang buong 90-minutong dokumentaryo sa lahat ng major social media platforms upang mapanood ng buong sambayanan.
Sa kabila ng sitwasyon, nanindigan si Mabanta na handa siyang bayaran ang anumang presyo para sa paggawa ng tama, alang-alang sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Nag-iwan din siya ng direktang mensahe para sa Speaker.
“You know what you did to the country. We know what you did to the country. Soon, hopefully, everyone will too,” ani Mabanta.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Speaker Romualdez hinggil sa mga seryosong akusasyong ito ni Mabanta at ng PGMN.
