Maghanda sa mas mabigat na pasanin sa bulsa ang mga motorista dahil inaasahang magpapatupad ng malakihang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis sa darating na linggo.
Base sa apat na araw na trading ng Mean of Platts Singapore (MOPS) at ang palitan ng foreign exchange, narito ang mga tinitingnang pagtaas sa presyo kada litro:
- Gasolina: P2.00 hanggang P3.00
- Diesel: P1.00 hanggang P2.00
Kinumpirma ng Department of Energy (DOE) nitong Huwebes ang posibleng pagsipa ng presyo sa lokal na merkado. Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang patuloy na paghina ng piso kontra dolyar at ang mga trend sa pandaigdigang bentahan ng langis ang pangunahing mitsa ng adjustment na ito.
Sa huling galaw ng presyo noong Abril 28, bahagyang tumaas ang gasolina ng P0.53 habang nagkaroon naman ng malaking rollback sa diesel (P12.94) at kerosene (P15.71).
Gayunpaman, sa kabuuan ng 17 adjustments ngayong taon, nananatiling mataas ang net increase sa presyo ng petrolyo
- Gasolina: P44.23/liter
- Diesel: P48.96/liter
- Kerosene: P57.99/liter
Inaasahang maglalabas ng pormal na anunsyo ang mga kumpanya ng langis sa darating na Lunes, at magiging epektibo ang mga bagong presyo sa araw ng Martes.
