Pinagtibay ng Commission on Audit (COA) ang inisyu nitong notice of disallowance laban sa Philippine Ports Authority (PPA) kaugnay ng maanomalyang pagbabayad ng P195 milyon para sa health at laboratory services noong panahon ng pandemya. Sa isang 12-pahinang desisyon na may petsang Pebrero 25, 2026, pinanatili ng commission en banc ang naunang desisyon na nagsasabing iregular ang paglalabas ng pondo dahil hindi ito dumaan sa mga tamang pamamaraan at itinakdang deadline ng batas.
Base sa ulat ng mga state auditor, ang pinagmulang pondo ay kinuha sa balanse ng P520 milyong financial assistance na ibinigay sa PPA bilang grant para sa shipping industry sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.
Bagaman nagamit ang malaking bahagi nito para sa dockage fees at libreng COVID-19 tests ng mga seafarers, may natitirang P200 milyon na dapat sana ay ibinalik na sa kaban ng bayan.
Ayon sa COA, ang mga unobligated funds ay nararapat na isumite muli sa gobyerno dahil ang Republic Act No. 11519 ay nagpapahintulot lamang sa paglalabas ng pondo hanggang noong Hunyo 30, 2021, ngunit nagpatuloy pa rin ang pagbabayad ng PPA sa kumpanyang Firstaide Inc. hanggang Enero 2022.
Kabilang sa mga pinananagot ng COA sa nasabing disallowance sina PPA General Manager Jay Daniel Santiago, acting manager Eric Dimaculangan, dating manager Prime Elvin Siosana, at assistant manager for comptrollership Russel Babadilla, kasama ang kumpanyang Firstaide Inc.
Sa kabila nito, bahagyang pinagbigyan ng COA ang apela ng Firstaide na bayaran sila sa mga serbisyong aktwal na naihatid, ngunit binigyang-diin ng komisyon na may mga iregularidad sa bilang ng mga seafarers na naserbisyuhan.
Mula sa mahigit 54,000 seafarers na binayaran ng PPA, tanging 52,465 lamang ang kinilala ng audit team na valid dahil sa kakulangan ng dokumentasyon ng iba.
Dahil dito, idineklara ng COA na P188.08 milyon lamang ang nararapat na bayad at iniutos ang refund ng natitirang P7.86 milyong labis na naibayad sa nasabing health service provider.
