Mariing kinondena ni Retired University of the Philippines (UP) Professor Walden Bello ang pagkamatay ng student leader na si Alyssa Alano sa isang operasyon ng militar sa Negros Occidental, kasabay ng panawagang itigil na ang pagdanak ng dugo sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde.
Sa kanyang Facebook post, ipinahayag ni Bello ang kanyang matinding galit at pighati sa pagkasawi ni Alano, kasama ang 18 iba pa, sa isang opensiba ng Philippine Army.
Kinuwestiyon ng batikang propesor ang opisyal na ulat ng militar na nagbabansag sa lahat ng nasawi bilang mga miyembro ng “Communist Terrorist Group.”
“The Philippine Army’s official position that all casualties are members of the “Communist Terrorist Group” must be seriously scrutinized,” ani Bello.
“Many young people like Alyssa visit the countryside to investigate the lives of deprived communities, and there are credible claims that she was not a combatant but a bystander and collateral damage in an armed encounter,” dagdag pa niya.
Dahil dito, kinalampag ni Bello si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iutos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang agarang pagpapatigil sa mga military offensive.
Layon nito na bigyang-daan ang gobyernong sibil na simulan ang mga negosasyong pangkapayapaan sa mga insurgent.
Binigyang-diin din ni Bello, na pinarangalan bilang Amnesty International’s Most Distinguished Defender of Human Rights noong 2023, na ang tunay na kapayapaan ay hindi lamang nakukuha sa paghinto ng putukan.
Aniya, mangyayari lamang ito kung tutugunan ng pamahalaan ang mga sistematikong problema sa lipunan na nagtutulak sa mga tao na humawak ng armas.
Nanawagan ang propesor para sa pananagutan (accountability) at katarungan para sa mga biktima ng karahasan habang hinihimok ang magkabilang panig na tuluyan nang wakasan ang patayan sa bansa.
