Isinusulong ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang pagpasa ng House Bill No. 6598 na naglalayong magkaloob ng mas mataas na benepisyo at mas matatag na proteksyon para sa mga barangay tanod sa buong bansa.
Tinagurian ni Yamsuan ang mga tanod bilang mga “indispensable, unsung first responders” na may krusyal na papel sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bawat komunidad ngunit madalas na hindi nabibigyan ng sapat na pagkilala.
Sa ilalim ng nasabing panukala, palalakasin ang tenure ng mga tanod kung saan hindi sila maaaring basta-basta matanggal sa tungkulin maliban na lamang kung may sapat na dahilan na nakasaad sa isang barangay resolution.
Target ng bill na i-upgrade ang kasalukuyang benepisyo ng mga tanod na nakapagsilbi na ng hindi bababa sa isang taon upang matapatan ang panganib na kanilang kinakaharap araw-araw sa paglilingkod sa publiko.
Nakasaad sa panukala ni Yamsuan na dapat pagkalooban ang mga barangay tanod ng Christmas bonus na hindi bababa sa kalahati ng natatanggap ng Punong Barangay, insurance coverage na katumbas ng 75% ng benepisyo ng kapitan, libreng legal assistance, at prayoridad sa mga livelihood at development programs ng pamahalaan.
Ayon sa mambabatas, hindi hamak na mas mabigat ang komitment at sakripisyo ng mga tanod kumpara sa maliit na allowance na kanilang tinatanggap sa kasalukuyan.
Kasabay nito, pinaalalahanan ni Yamsuan ang mga Local Government Units (LGUs) na palakasin ang kakayahan ng kanilang mga tanod sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kagamitan at suporta.
Binigyang-diin niya na ang mga tanod ay mahalagang bahagi ng “Safer Cities Initiative” ng DILG at nagsisilbing epektibong force multipliers ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapatupad ng seguridad sa mga lokalidad. (FELIX TAMBONGCO)
