Kinumpirma ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na batid nila ang inisyung Precautionary Hold Departure Order (PHDO) ng Sandiganbayan kasunod ng hiling ng Office of the Ombudsman.
Sa isang pahayag, mariing pinabulaanan ni Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, ang mga kumakalat na ulat na lumabas na ng bansa ang dating Speaker.
Binigyang-diin niya na ang mambabatas ay kasalukuyang nasa Pilipinas at ang anumang balitang nagsasabing umalis ito ay “walang katotohanan at iresponsable.”
Binigyang-diin ni Fajardo na sumusunod ang kanyang kliyente sa tamang proseso at kumuha pa ng kinakailangang travel authority.
Nakipag-ugnayan din umano sila nang may “good faith” sa Department of Justice at Bureau of Immigration para sa nakaplano sanang apat na araw na check-up ni Romualdez sa kanyang attending physician sa Singapore.
“Sa simula pa lamang ay consistent ang pakikipagkooperasyon, transparent, at may paggalang sa legal na proseso [ni Rep. Romualdez],” ani Fajardo.
Dismayado ang kampo ng dating Speaker sa umano’y pilit na pagbaluktot sa katotohanan upang magmukhang tatakas ang mambabatas.
Ayon kay Fajardo, gagamit sila ng mga nararapat na legal remedies upang kwestyunin ang pag-iisyu ng PHDO sa tamang forum.
Sa huli, tiniyak ng kampo na handang harapin ni Romualdez ang lahat ng alegasyong ipinaparatang laban sa kanya sa ilalim ng batas. (FELIX TAMBONGCO)
