Binitbit ng mga awtoridad ang isang dayuhang lalaki sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos itong mag-amok at manakit ng isang aviation security officer kasunod ng napaulat na pagnanakaw sa isang food outlet sa loob ng paliparan.
Batay sa paunang ulat, nagtungo sa PNP-Aviation Security Group (AVSEGROUP) Police Station 3 ang mga tauhan ng Lockheed Security Agency kasama ang management ng isang retail food store upang isumbong ang dayuhan na kumuha umano ng mga pagkain nang hindi nagbabayad.
Bago ang pag-uulat sa pulisya, sinubukan munang kausapin ng manager at mga staff ng tindahan ang suspek, ngunit tumanggi itong makipagtulungan hanggang sa uminit ang sitwasyon na nagtulak sa kanila na humingi ng saklolo sa airport security.
Sa gitna ng komprontasyon, naging bayolente ang dayuhan at paulit-ulit na pinagsasapak ang rumespondeng Aviation Security (AVSEC) officer. Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang nasabing opisyal dahil sa naturang pananakit.
Mabilis namang rumesponde ang iba pang augmentation personnel ng AVSEC upang supilin at arestuhin ang suspek, na agad dinala sa NAIA Police Station 3 para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng mas malalim na pagsisiyasat ang mga awtoridad para sa paghahain ng mga kaukulang kaso laban sa dayuhan.
Binigyang-diin naman ni PBGen Dionisio B. Bartolome Jr., Director ng PNP AVSEGROUP, na mananatili silang tapat sa pagpapanatili ng kaayusan sa paliparan. Dagdag pa niya, hindi nila mangingiming aksyunan nang mabilisan ang anumang labag sa batas o bayolenteng pag-uugali upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at mga empleyado sa NAIA. (ARSENIO TAN)
