Magandang balita para kay Navotas City Representative Toby Tiangco ang ulat hinggil sa pagkakadakip sa kontrobersyal na dating mambabatas na si Zaldy Co sa bansang Czech Republic.
Kasunod ito ng pormal na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nasa kamay na ng mga awtoridad si Co matapos ang ilang panahong pagtatago sa labas ng bansa.
“Napakagandang balita po ang inanunsyo ni Pangulong Bongbong Marcos na nahuli na sa wakas si Zaldy Co,” pahayag ni Tiangco sa isang opisyal na statement.
Matatandaang si Tiangco ang isa sa mga unang boses na naglantad sa mga alegasyon laban kay Co.
Ayon sa konggresista, siya ang unang nagdiin na si Co ang nasa sentro ng itinuturing na pinakamalaking iskandalo ng korapsyon sa kasaysayan ng Pilipinas.
Siya rin ang nanguna sa panawagang kanselahin ang pasaporte nito upang hindi na makalayo pa.
Dahil sa pagkakadakip, kinalampag ni Tiangco ang pamahalaan na huwag nang mag-aksaya ng panahon sa pagpapauwi sa dating mambabatas.
“Ako po ay nanawagan sa gobyerno na magpadala ng high-level team sa Czech Republic upang makipag-ugnayan sa mabilisang pag-uwi ni Zaldy Co,” giit ng kinatawan ng Navotas.
Dagdag pa ni Tiangco, mahalagang humarap si Co sa hustisya sa Pilipinas upang sagutin ang mga seryosong kaso ng corruption at malversation of public funds. Inaasahan din ng mambabatas na magsasalita si Co “under oath” upang ibunyag ang lahat ng mga kasabwat sa likod ng malawakang nakawan ng kaban ng bayan.
“Umaasa po tayo na kapag napauwi na siya sa ating bansa… sabihin niya kung sinu-sino pa ang kasabwat niya… Dapat tumulong din siya na maibalik ang mga nakaw na yaman na ito,” aniya.
Binigyang-diin ni Tiangco na hindi kailanman makakalimot ang taumbayan at kailangang panagutin hanggang sa huli ang lahat ng mga kawatang nagnakaw sa pera ng bayan.
