Nasabat ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mahigit 15,000 litro ng undocumented na diesel at pagkakaaresto ng dalawang suspek sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Rizal nitong April 16, 2026.
Nagsimula ang operasyon bandang alas-3:45 ng madaling araw nang magsagawa ng anti-carnapping at Oplan Sita ang mga tauhan ng PHPT–Rizal sa kahabaan ng C6 Road. Pinara ng mga awtoridad ang isang Isuzu closed van dahil sa mga traffic violation.
Nang hanapan ng dokumento, bigong makapagpakita ng valid driver’s license at rehistro ng sasakyan ang drayber at pahinante nito. Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre na ang kargamento na idineklara nilang “used oil” ay katumbas pala ng 7,000 litro ng diesel na walang kaukulang papeles.
Kasamang kinumpiska sa operasyon ang walong IBC tanks na puno ng krudo, mga hose, pump, at ang mismong van na ginamit sa ilegal na aktibidad.
Sa tulong ng mga nakuhang impormasyon mula sa unang huli, nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis bandang alas-5:30 ng hapon sa Lower Patiis Road, Brgy. Malanday, San Mateo, Rizal. Dito ay nadiskubre ang isang hinihinalang storage facility para sa mga undocumented petroleum products.
Sa pagsalakay sa nasabing bodega, nakumpiska ang karagdagang 8,000 litro ng krudo, mga tanker truck, maraming bakanteng storage tanks, at iba pang kagamitan sa pagbobomba ng langis. Ang lahat ng nakuhang ebidensya ay kasalukuyang nasa ilalim ng police custody para sa tamang imbentaryo at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Binigyang-diin ni PBGEN Rommel S. Batangan, Acting Director ng HPG, ang panganib na dulot ng ganitong ilegal na kalakalan sa seguridad at ekonomiya.
“Ang mga operasyong ito ay bahagi ng ating pinaigting na kampanya laban sa ilegal na transportasyon at kalakalan ng produktong petrolyo. Hindi lamang ito paglabag sa batas, kundi seryosong banta rin sa kaligtasan ng publiko,” ani Batangan.
Hinikayat ng PNP-HPG ang publiko na agad isuplong ang anumang kahina-hinalang transportasyon o pag-iimbak ng langis sa kanilang lugar upang mapanatili ang kaayusan sa mga lansangan bilang “Guardians of the Highway.”
