Naglaan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng kabuuang 8,000 scholarship slots para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng sigalot sa Middle East at napilitang bumalik sa bansa.
Sa isang press conference nitong Biyernes, Abril 17, binigyang-diin ni TESDA Secretary Kiko Benitez na ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na matulungan ang mga repatriated OFW na muling makapagsimula ng panibagong buhay sa Pilipinas o kaya naman ay makakuha ng bagong sertipikasyon para sa ibang trabaho sa ibang bansa.
Bilang bahagi ng reintegration program ng gobyerno, makakatanggap ang mga nagbabalik na manggagawa ng Certificates of Scholarship Grant Commitment o mga voucher.
Ang mga ito ay ibinibigay kasama ng integration kit sa pakikipagtulungan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Maaaring kumuha ang mga OFW ng pagsasanay sa iba’t ibang sektor gaya ng construction, hospitality, caregiving, Information Technology at entrepreneurship (para sa mga nais magtayo ng sariling negosyo).
Ibinahagi rin ni Benitez na bukod sa mga tradisyunal na kurso, isinusulong din ng ahensya ang AI upskilling module na inirerekomenda ng AI and Analytics Association of the Philippines.
Ayon sa kalihim, hindi na lamang opsyon ang pag-aaral ng mga bagong kasanayan kundi isa nang pangangailangan.
“Ang upskilling ay hindi na lamang pangalawang opsyon. Ito ay mandatory requirement na para sa bawat empleyadong Pilipino,” ani Benitez.
Upang matiyak ang mabilis at maayos na serbisyo, kailangan lamang ipakita ng mga nagbabalik na manggagawa ang kanilang mga sertipiko sa alinmang tanggapan ng TESDA sa buong bansa.
Ito ang magsisilbing pass para makakuha ng libreng training at iba pang serbisyo ng ahensya.
Ang inisyatibong ito ay naglalayong bigyan ng financial independence at bagong pag-asa ang mga kababayan nating nasalanta ang hanapbuhay dahil sa krisis sa ibang bansa.
