Tuluyang sinibak sa pwesto si Philippine National Police Academy (PNPA) Director BGen. Andrei Dizon kasama ang walong iba pang opisyal at tauhan matapos ang malagim na insidente kung saan mahigit 20 kadete ang binuhusan ng kemikal sa loob ng akademya.
Sa kautusang inilabas noong Abril 15, itinalaga ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. si BGen. Redrico Maranan bilang acting director ng PNPA kapalit ni Dizon, na inilipat na ngayon sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU).
Ayon kay PNP-PIO Chief BGen. Randulf Tuaño, ang malawakang balasahan ay nag-ugat sa insidente noong Abril 3 kung saan tatlong second-year cadets ang nagbuhos ng pinaghalong muriatic acid at drain cleaner sa likod ng mahigit 20 biktima.
Dahil sa pagkakasibak sa mga opisyal, nagkaroon ng paggalaw sa iba pang mahahalagang pwesto sa pambansang pulisya kung saan ang iniwanang pwesto ni BGen. Maranan sa PRO-7 ay pupunan ni BGen. Arnold Evangelista Abad, habang si BGen. Arnold Casingal Santiago naman ang hinirang bilang acting director ng Manila Police District (MPD).
Bukod kay BGen. Dizon, walo pang tauhan ng PNPA ang tinanggal sa kanilang mga tungkulin at dinala rin sa PHAU kabilang ang isang brigadier general, dalawang koronel, dalawang major, at tatlong sarhento.
Kinumpirma ni BGen. Tuaño sa isang press briefing ngayong araw, Abril 16, na ang hakbang na ito ay direktang utos ng PNP Chief upang matiyak ang accountability sa nangyaring pagmamaltrato sa loob ng akademya.
Nakatakda ang opisyal na turnover sa PRO-7 ngayong araw, habang bukas naman isasagawa ang pormal na seremonya sa PNPA. (Edwin Echague)
