Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ang dagdag na P0.5335 kada kWh sa singil sa kuryente ngayong Abril kaya nasa P14.3496 kada kWh ng kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya.
Para sa mga residential customer na may karaniwang konsumo na 200 kWh, katumbas ito ng P107 na dagdag sa kanilang kabuuang bill sa kuryente ngayong buwan.
Tumaas ang generation charge ng P0.5257 kada kWh kaya nasa P8.3864 kada kWh na ito mula P7.8607 kada kWh bunsod ng paghina ng Piso kontra Dolyar.
Para sa supply month ng Marso, humina ang Piso nang higit P3 at pumalo sa P60.748 kada dolyar at nakaapekto ito sa 99% ng mga singil mula sa mga plantang First Gas Sta. Rita at San Lorenzo (First Gas) at 44% ng mga Power Supply Agreement (PSA) na dollar denominated. Dahil dito, tumaas ang singil mula sa First Gas ng P1.2342 kada kWh habang P0.1989 kada kWh naman ang itinaas ng mga singil mula sa mga PSA. Nakatulong ang pagsusumikap ng Meralco na mag-require sa mga supplier ng capital recovery fees na Peso-denominated para mapagaan ang epekto ng paghina ng Piso sa mga bayarin ng mga customer.
Nagtala rin ng P2.3955 kada kWh na pagtaas ang singil mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) dahil sa pagtaas ng demand na umabot sa average na 579 megawatts (MW).
Pinunan ng First Gas, mga PSA at WESM ang 20%, 74%, at 6% ng kabuuang pangangailangan sa supply ng Meralco para sa nasabing panahon.
Nais linawin ng Meralco na hindi pa kasama sa mga adjustment na ito ang inaasahang pagtaas ng presyo ng fuel bunsod ng krisis sa Gitnang Silangan.
Samantala, bumaba naman ng P0.0656 kada kWh ang transmission charge para sa mga residential customer dahil sa mas mababang mga ancillary service charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) mula sa Reserve Market.
Nagtala naman ang iba pang singil, kabilang na ang buwis, ng P0.0734 kada kWh na pangkalahatang pagtaas.
Ang mga pass-through charge ng generation at transmission ay ibinabayad ng Meralco sa mga power supplier at grid operator habang ang buwis, universal charges, at mga subsidiya para sa renewable energy ay inire-remit naman sa pamahalaan.
Samantala, patuloy na nakikinabang ang mga customer ng Meralco sa ipinapatupad na refund ng Actual Weighted Average Tariff (AWAT) adjustments na nagkakahalaga ng P0.2024 kada kWh para sa mga residential customer. Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Simula ngayong Abril, ipatutupad na ang bagong uniform national lifeline consumption threshold para sa mga maralita, kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), alinsunod sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC). Ibig sabihin, ang mga kwalipikadong customer na may konsumo na 50 kWh pababa ay makatatanggap ng 100% diskuwento sa singil sa kuryente simula ngayong
April billing.
Patuloy pa rin na ipatutupad ng Meralco ang umiiral nitong mga lifeline discount para sa mga kwalipikadong customer na lampas ang konsumo sa itinakdang national threshold. Ang mga kwalipikadong customer na may konsumo na 51 hanggang 70 kWh ay makatatanggap ng 35% na diskuwento habang 20% naman ang diskuwento para sa may 71 hanggang 100 kWh na konsumo.
Ngayong tag-init na kasabay ng umiiral na tensyon sa Gitnang Silangan, pinaalalahanan ng Meralco ang mga customer nito na ugaliin ang masinop at matalinong paggamit ng kuryente.
Karaniwang tumataas ang demand sa kuryente tuwing panahon ng tag-init dahil sa mas madalas na paggamit ng mga cooling appliance tulad ng air conditioner. Noong nakaraang taon, tumaas ang konsumo ng kuryente mula 20% hanggang 33% sa panahon ng tag-init.
“Patuloy naming hinihikayat ang aming mga customer na isabuhay ang matalino at masinop na paggamit ng kuryente. Bukod sa makatutulong ito para mas makontrol ang konsumo at bill sa kuryente, nakatutulong din ito upang mapagaan ang epekto ng mga external factors sa singil sa kuryente,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications na si Joe R. Zaldarriaga.
Ilan sa mga tip na maaaring gawin ng mga customer ay ang pag-unplug ng mga appliance kapag hindi ginagamit; paggamit ng natural na liwanag kung maaari; at pag-set sa 25°C ng thermostat ng air conditioner kasabay ng regular na maintenance upang matiyak ang maayos na takbo nito. Iwasan rin na punuin ang refrigerator upang magkaroon ng maayos na pag-ikot ng malamig na hangin sa loob at ugaliin ang pagplantsa ng bultuhan.
