Photo credit: Loren Legarda
Upang maiwasan ang pagka-aksaya ng mga ani, muling nagsagawa ng “rescue buy” si Senadora Loren Legarda, katuwang ang organisasyong Rural Rising Philippines (RuRi), para tulungan ang mga magsasaka sa Sto. Niño, Cagayan.
Daan-daang kilo ng mga repolyo ang binili mula sa mga magsasakang nahihirapang maibenta ang kanilang mga produkto sa merkado. Ayon kay Legarda, layunin nitong masiguro na hindi mabubulok o basta na lamang ipakakain sa mga alagang hayop ang mga pinaghirapang ani ng mga magsasaka.
Ang mga nasabing gulay ay hindi lamang nakatulong sa kabuhayan ng mga taga-Cagayan, kundi naging biyaya rin para sa mga pamilyang nangangailangan.
Ipinamahagi ang mga repolyo sa iba’t ibang sektor, kabilang ang stay-at-home parents, senior citizens at TNVS drivers;
Binigyang-diin ng senadora na ang mga sektor na ito ang higit na nakararanas ng hirap sa pang-araw-araw na gastusin, kaya’t malaking tulong ang paghahatid ng masustansyang pagkain sa kanilang hapag-kainan.
Matagal na umanong ginagawa ni Legarda at ng RuRi ang mga katulad na inisyatibo upang suportahan ang lokal na agrikultura at maiwasan ang food waste sa gitna ng mga krisis na kinakaharap ng bansa.
“Bumili tayo ng kanilang harvest para huwag masayang,” paghikayat ni Legarda sa publiko.
Para sa mga nagnanais ding tumulong o makilahok sa pag-rescue ng mga ani ng mga lokal na magsasaka, maaaring makipag-ugnayan sa Rural Rising Philippines (RuRi PH) sa numerong 0917 5017787.
